Muséong López

Ang Lopez Museum o Muséong López ay isang museo ng sining at kasaysayan na matatagpuan sa Benpres Building, Lungsod Pasig, Metro Manila. Ito ang pinakamatandang pribadong museo tungkol sa Filipinas. Sa kasalukuyan, pinangangalagaan nitó ang mahigit 500 gamit at mahigit20,000 aklat na mula pa sa hanggang ika-16 siglo; kabilang dito ang ilang kagamitan ng pambansang bayaning José Rizal.

Itinatag ito noong February 1960 ng industriyalistang si Eugenio Lopez Sr. bilang paggunita sa kaniyang mga magulang na sina Benito Lopez at Presentacion Hofileña. Nagsimula ang museo sa personal niyang koleksiyon ng mga pambihirang aklat Filipiniana, manuskrito, mapa, artifact, at sining biswal. Inilagay ito sa pangangasiwa ng Eugenio Lopez Foundation. Nagsilbing unang curator nitó ang historyador na si Renato Constantino; sa kaniyang termino binili ng museo ang ilang mahahalagang obra ng dalawang dakilang Filipinong pintor na sina Juan Luna at Felix Resurreccion Hidalgo; isa na rito ang likha ni Luna na España y Filipinas.

Makikita naman sa aklatan ang mga obra ng mahigit12,000 awtor, at kinabibilangan ng mga diksiyonaryo, akdang pampanitikan, akdang rehiliyoso, pag-aaral akademiko, at iba pa. Ilan sa tampok ng aklatan ang unang edisyon ng Doctrina Cristiana (l620) na isinalin sa Ilokano, ang Relacion de las Islas Filipinas ni Pedro Chirino, at mga susing edisyon ng Sucesos de las Islas Filipinas ni Antonio de Morga (Jose Rizal 1890, Blair and Robertson’s1904, at W. E. Retana 1909). Bukod sa museo at aklatan, tampok din ng Museong Lopez ang isang galeriya para sa mga kontemporaneong alagad ng sining biswal ng Filipinas. Malawak din ang artsibo nitó ng mga pahayagan at retrato, at marami sa mga pahayagan ay digitized na, o mababasa gamit ang computer. (PKJ)

Cite this article as: Museong Lopez. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/museong-lopez/