Muséong Ayála

Ang Ayala Museum o Muséong Ayála ay isang museo ng sining at kasaysayan na matatagpuan sa sentrong distrikong pangegosyo ng Lungsod Makati, Metro Manila. Itinuturing ito bilang isa sa pangunahing pribadong institusyon ng sining at kultura ng Filipinas.

Una itong naisip noong dekada singkuwenta ng pintor na si Fernando Zobel de Ayala y Montojo. Noong1967, lubos nang natupad ang pangarap ni Zobel nang binuksan ng Ayala Foundation (dating Filipinas Foundation) ang Museong Ayala sa Insular Life Building, Ayala Avenue, Makati. Noong 1974, nagkaroon ng sariling gusali ang museo sa Makati Avenue; idinisenyo ito ng Pambansang Alagad ng Sining sa Arkitektura Leandro V. Locsin. Noong 2004, lumipat ang museo sa kasalukuyan nitóng gusali; isinabay ito sa ika-170 anibersaryo ng Ayala Corporation. Idinisenyo ang kasalukuyang museo ng kompanyang Leandro V. Locsin and Partners sa pamumunò ni Leandro Y. Locsin Jr.

Ilan sa mga tampok sa koleksiyong pangkasaysayan ng museo ang 60 diorama na nagsasalaysay ng kasaysayan ng Filipinas; isang galeriya ng maliliit na replika ng mga uri ng bangka na naging susi sa pagsulong ng kalakarang maritima at kolonyal na ekonomiya ng Filipinas; mga arkeolohiko at etnograpikong gamit mula sa mga pamayanang pangkultura ng hilaga at katimugang Filipinas; mahigit sanlibong bagay na gawa sa ginto na nagpapakita ng matataas na katutubong kultura sa kapuluan bago pa man dumating ang mga Español; mga antigong damit at tela; at mahigit limandaang seramika na nagpapamalas ng humigit-kumulang isang milenyo ng ugnayan ng Filipinas sa China at mga kapitbahay sa Timog-Silangang Asia.

Ilan naman sa mga makikita sa koleksiyon ng sining biswal ay ilang mahahalagang obra ng mga dakilang pintor na Filipino na sina Juan Luna, Fernando Amorsolo, at Fernando Zobel. Nagkakaroon din ang museo ng mga eksibit ng mga bagong alagad ng sining biswal at mga makasaysayang retrato. Ginagamit ang museo bilang dausan ng mga espesyal na okasyon, tulad ng kumperensiya at pagtatanghal. (PKJ)

Cite this article as: Museong Ayala. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/museong-ayala/