Warning: Use of undefined constant setting - assumed 'setting' (this will throw an Error in a future version of PHP) in /home/hqe0tu85kswo/public_html/wp-content/plugins/cite/cite.php on line 105

Muséong Aga Khán

Matatagpuan ang Aga Khan Museum of Islamic Arts, o Muséong Aga Khán sa kampus ng Mindanao State University, Lungsod Marawi, lalawigan ng Lanao del Sur sa Mindanao. Tampok nitó ang pinakamalaking koleksiyon ng kagamitang Moro sa buong bansa. Isa ito sa mga pangunahing atraksiyong panturista ng Marawi at Lanao del Sur.

Nagsimula ito bilang University Museum na may isa lamang silid noong 1962. Nakatanggap ito ng donasyon mula kay Prinsipe Karim Aga Khan IV upang magpatayô ng sariling gusali, na siyá namang pinasinayaan noong 1969. Layon ng museo na mangalap at magingat ng mga antigong gamit na may kinalaman sa sining- bayan ng mga Moro at Lumad ng Mindanao, Sulu, at Palawan; mangasiwa ng isang sistematikong kalipunan na magiging kapaki-pakinabang sa mga iskolar at mananaliksik ng kulturang Filipinong Muslim; manaliksik at tumulong sa muling-pagkabuhay ng mga anyo ng sining-bayan; at palaganapin ang kaalaman tungkol sa mga lahi ng rehiyon upang mailangkap sa pambansang kalinangan at kaakuhan.

Tampok sa museo ang mga sandatang ginamit sa mga tinaguriang“Digmaang Moro” tulad ng “lantaka” (uri ng kanyon), “kris,” at “kampilan;” mga munting replika ng“masjid” at “torogan” (tradisyonal na bahay ng mga maharlikang Mëranaw); mga instrumentong pangmusikang tulad ng “kulintang,” kobing, at alotang; mga tradisyonal na damit pang-Moro; isang antigong kopya ng Koran; mga gamit pansaka; at iba pa. (PKJ)

Cite this article as: Museong Aga Khan. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/museong-aga-khan/