Muséo Pambatà

Matatagpuan ang Muséo Pambatà sa makasaysayang Gusaling Manila Elks Club sa Roxas Boulevard, Ermita, Lungsod ng Maynila. Ito ang pangunahing museo para sa kabataan sa Filipinas, at ang unang inter-aktibong museo para sa mga batà sa bansa.

Noong 1993, lumapit sina Nina Lim-Yuson, isang guro ng mga batà, at Estefania Aldaba-Lim, ang unang babaeng kasapi ng gabinete ng Filipinas at Special Envoy ng United Nations para sa International Year of the Child(1979), sa alkalde ng Maynila na si Alfredo Lim. Nais niláng magtatag ng isang museo para sa mga batà sa Gusaling Manila Elks Club, na itinayô pagkatapos lamang ng Digmaang Español-Americano. Inaprobahan ni Mayor Lim ang mungkahi, at pagkatapos makakalap ng suporta sa ilang matataas na tao sa lipunan, binuksan ang museo noong Disyembre 1994.

Isa ring sagisag ng kulturang Filipino ang ginamit ng museo bilang logo, ang kariton ng sorbetes, na idinisenyo ni Pia Recto. Ilan sa makikitang eksibit ay isang malaking maze na naglalarawan sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng tao; kunwa-kunwaring pamilihang bayan o palengke para sa mga batà; pambatàng lumang Maynila at dito’y maaaring sumakay ng tranvia, galeon, at pumasok sa isang katedral at bahay-na-bato; at ang tinatawag na ”Global Village” na nagtatampok ng mga manyikang nakagayak sa mga pambansang kasuotan ng daigdig, laruan, at instrumentong pangmusika. Sa kasalukuyan, tinatáyang aabot sa mahigit-kumulang 200,000 kabataan at may-gulang ang bumibisita sa museo taon-taon. (PKJ)

Cite this article as: Museo Pambata. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/museo-pambata/