Munisípyo

Tumutukoy ang munisípyo (mula sa Español na municipio) sa pamahalaang bayan o sa tanggapang panggobyerno ng isang munisipalidad. Noong panahon ng Español unang ipinakilála ang munisipyo at mauugat ang kasaysayan nitó sa pagsisikap na maitatag ang isang sistema ng pamamahala mula sa maliliit na barangay o nayon hanggang pamahalaang pambansa. Bawat kalipunan ng magkakadikit na nayon noon ay inoorganisa sa isang pueblo o bayan. Ang matatag at mapayapang pueblo ang naging munisipalidád at pinangasiwaan mula sa isang gusali na tinatawag na munisípyo sa ilalim ng isang gobernadorsilyo. Malimit na ang gusali ng pamahalaan at ang pamahalaang lokal mismo ay tinatawag na munisípyo.

Ang munisipyo bilang espasyong arkitektural o gusali ng pamahalaan ay may mga opisina para sa iba’t ibang sangay ng pamamahala. Dito makakukuha ng mga legal na sertipiko’t lisensiya na may kinalaman sa pagiging residente sa munisipalidad na kinabibilangan. Dito rin isinasagawa ang mahahalagang funsiyon ng pamamahala—mulang pagdedesisyon sa malalaking isyung-pambayan hanggang sa mga sibil na kasal. Sinasabing maaaring ang pinakamatandang munisipalidad sa buong Filipinas ay ang Unisan sa Quezon, na itinatag noong 1591.

Ang munisípyo ayon sa Local Government Code ng 1991 ay isa sa mahahalagang sangay ng pamamahalang bayan na pinahahalagahan ang awtonomiya—ang tatlo pa ay ang barangay, probinsiya, at lungsod. Sa nasabi ring batas itinadhana ang mga halal na pinunò ng bayan: Mayor(mé·yor) o alkalde ang may pinakamataas na katungkulan at katuwang niya ang Vice Mayor (vays mé·yor) o bise alkalde. Karaniwang may Sangguniang Bayan ang isang munisipyo, binubuo ng mga halal na “konsehal,” at katuwang sa paggawa ng mga tuntunin at batas ang mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan. Mayroon ding anim na uri ng munisipalidad sang-ayon sa pangkabuuang kita ng mga ito. (LJS)

Cite this article as: Munisipyo. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/munisipyo/