Miguela Montelibano
(8 Mayo 1874–16 Abril 1969)
Sinasabing si Miguela Montelibano (Mi·gé·la Mon·te·lí·ba·nó) ang kaisa-isang kilalang babaeng sarsuwelista sa kaniyang panahon. Nakapagsulat siya ng pitóng sarsuwela at ilang komedya sa wikang Ilonggo na nailathala sa La Panayana. Nagtayô siyá ng isang pangkat pandulaan at tuwing tag-init, naglilibot ang grupo ni Montelibano sa mga bayan ng Negros upang itanghal ang mga sarsuwela at komedya. Ang mandudula ang siyá ring naging direktor ng produksiyon.
Ilan sa mga komedya niya ang Santa Genoveva, Locura del Amor at Maria, at La Reina del Bosque. Ilan sa mga sarsuwela ang Cailo nga Tapalan(Kawawang Ipinain), Cusug sang Imul (Ang Lakas ng Mahihirap), Ang Dalanguhanon sang Malalison (Ang Panaginip ng Suwail), Filipinas, Ang Olipon sa Iyo Agalon (Filipinas, Ang Alipin ng Kaniyang Amo), Mainawon (Maawain) at Masubu nga Camatuuran(Ang Malungkot na Katotohanan). Lahat ng mga nasabing sarsuwela ay isinadula, liban sa Filipinas.
Sa mga naisulat na sarsuwela ni Miguela Montelibano, makailang beses itinanghal ang Kailo nga Nagtalang (Ang Minalas na Naglayas) sa mga plasa ng Negros Occidental. Sa nasabing sarsuwela, naghiwalay ang mag-asawang Elena at Francisco dahil napatunayang tama ang hinala ni Elena na may ibang babae si Francisco. Pinalayas ni Elena si Francisco sa bahay at pumunta si Francisco sa bahay ni Rosita, ang kaniyang kabit. Nang malaman ni Rosita na may pamilya siyáng nasira dahil sa pakikiapid, nagsumamo siyáng balikan ng lalaki ang kaniyang asawa at iniwan din niya ang lalaki. Sinabi ni Vidal, kaibigan ni Francisco, kay Elena na nag-iisa na sa búhay si Francisco at maysakít. Sa simula’y hindi pinansin ni Elena ang sinabi ngunit nagbago ang kaniyang loob at pinatawad si Francisco bago ito namatay.
Ipinanganak si Miguela Montelibano sa Silay, Negros Occidental noong 8 Mayo 1874. Nakapag-aral siyá sa Colegio de Sta. Ana sa Iloilo bago pumunta sa Jordan, Guimaras upang pangasiwaan ang asyendang naiwan ng kaniyang ama. Nang 25 taóng gulang na siyá, nagpakasal siyá kay Isabelo Segura, isang mestiso na isang kawani ng gobyerno at may-ari ng isang maliit na negosyo. Namatay si Miguela Montelibano noong 16 Abril 1969. (SJ)