míting de-abánse

 

Ang míting de-abánse, mula sa Español na míting de avánce, ay ang panghulíng rali sa pangangampanya na kadalasang ginagawa ng mga kandidato ng isang partido sa gabi bago ang araw ng halalan, o sa gabi ng hulíng araw ng pangangampanya. Madalas na ginaganap ito sa sentro ng isang bayan, o sa isang lugar na may halagang pangkasaysayan, tulad ng Liwasang Luneta, malapit sa monumento ni Jose Rizal.

Madalas na sukatan ang míting de-abánse—sang-ayon sa dami ng dumalo rito—ng tagasuporta’t kakayahang manalo ng isang kandidato. Dahil sa kapangyarihan nitóng kumondisyon sa isipan ng mga botante, naging laganap ang tinatawag na mentalidad na “hakot”—ang pagbabayad o sapilitang nagdadalá ng mga táong makikinig at manonood sa rali. Sabihin pa, walang kandidatong ibig na langawin ang kanilang rali. Sa umaga pa lamang ay umiikot na ang mga lider at libreng sasakyan upang gumanyak o bumili ng mga sasáma sa rali.

Sa míting de-abánse, kadalasang pinupuntirya ng talumpati ang kalabang kandidato. Upang makuha ang atensiyon ng mga nakikinig na botante, madalas na nilalangkapan ito ng katatawanan, at sa kasalukuyan, maging ng mga pagtatanghal ng mga kilaláng artisa o personalidad. Dahil dito, nagiging isang palabas ang míting de abánse na nagtatampok hindi na lamang ng plataporma ng mga kandidato, kundi maging ng sayawan, kantahan, at iba pang pang-aliw ng mga manonood.

Makasaysayan ang míting de-abánse ng Partido Liberal sa Plaza Miranda noong 21 Agosto 1971 dahil sa pagsabog ng isang bomba. Walong tao ang namatay at maraming nasugatan sa pagsabog na ito, at isa umano ang pangyayaring ito sa mga ginamit na dahilan sa deklarasyon ni Pangulong Marcos ng Batas Militar. Samantala, hindi naman karaniwan na noong eleksiyong pampanguluan ng 2004, hindi nagdaos ng míting de-abánse ang partido ni Gloria Macapagal Arroyo; habang ginanap naman ang míting de-abánse ng partido ni Fernando Poe, Jr. sa Makati na sentro ng komersiyo ng bansa. (ECS)

Cite this article as: miting de-abanse. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/miting-de-abanse/