Mirador Jesuit Villa
Ang Mirador Jesuit Villa (Mi·ra·dór Dyés·wit Ví·la)—o kilala din bilang “Mirador Hill,” ang buról na kinatitirikan nitó—ay isang pook pasyalan na matatagpuan sa Lungsod Baguio sa bulubunduking Cordillera. Matatagpuan sa naturang buról ang Lourdes Grotto, na isa sa mga popular na atraksiyon ng Baguio. Sa isang maaraw at dimahamog na panahon, matatanaw mula sa burol ang kalakhan ng lungsod, ang mababàng lupain ng La Union, ang Golpong Lingayen, at ang Dagat Kanlurang Filipinas.
Noong 1876, pinangalanan ni Manuel Scheidnagel, gobernador politiko-militar ng Baguio ang buról bilang El Mirador dahil sa malawak na tanawing iniaalok nitó. Noong1890, iminungkahi ni Padre Miguel Roces, ang rektor ng Ateneo Municipal de Manila, na bumili ang mga Heswita ng isang pook sa lalawigan ng Benguet bilang pahingahan ng mga paring Heswitang napapagod sa init ng Maynila at iba pang mababàng lugar. Naudlot ang hangaring ito dahil na rin sa pagsabog ng Himagsikang Filipino noong1896. Noong panahon ng pananakop ng mga Americano, nagtagumpay ang mga Heswita na mabili at magtayô ng isang meteorological at seismic station sa Mirador. Sinundan nilá ito ng pagpapatayô ng tatlong tirahan, at ang una ay gawa sa kahoy ng punòng pino at kugon. Nagsimulang magbakasyon ang mga pari ng orden sa Mirador. Itinayô naman noong 1913 ang Lourdes Grotto na siyáng nananatiling popular sa mga turista ngayon. Nililok ni Isabelo Tampingco mula sa kahoy na mulawin ang imahen ng Ating Ina ng Lourdes na tampok ng grotto. Natapos naman noong 1918 ang tanyag na hagdanan mula sa grotto pababâ sa paanan ng Mirador.
Ginamit ng mga mananakop na Japanese ang mga tahanan ng mga Heswita sa Mirador. Tuluyan itong nasira sa labanang naganap noong pagpapalaya ng Baguio. Pagkaraan ng digmaan, inatasan ng mga Heswita si Gines Rivera upang planuhin ang pagpapatayông-muli ng villa. Sinundan ni Rivera ang disenyo ng mga kolonyal na gusali ng pamahalaang Americano sa Camp John Hay, Teachers’ Camp, at mga bahay bakasyunan ng mga hukom ng Korte Suprema at Korte ng Apela. Noong 1952, nagpasiya ang Manila Observatory na lumipat sa Baguio mula sa Maynila, kasabay ng paglipat ng Ateneo sa Lungsod Quezon mula sa Intramuros. Bumalik ang obserbatoryo sa Ateneo (sa Loyola Heights) noong 1962.
May natatanging lugar ang buról sa panitikang Filipino dahil tinulaan ito ng dakilang makatang si Mike L. Bigornia sa kaniyang akdang “Mirador Hill.” (PKJ)