mína

geology, mining, industry, economy, social issues, environment, gold

Ang mína, isang salitang Español, ay isang pook na napagkukunan ng mahahalagang bato at depositong mineral. Sa Filipinas, siyam na milyong ektarya ng 30 milyong ektarya ng lupa ang sinabi ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) na may mataas na deposito ng mahahalagang min­ eral. Sa naturang lupain, 3.8 na porsiyento na ang hinuhukay bilang minahan.

Malaking-malaki na ang industriya ng pagmimina sa bansa. Sa taóng 2010, umabot ng Php 112 na bilyon ang halaga ng pagmimina. Sa taóng 2011, umakyat na ito sa Php 122 na bilyon. Sa taong 2012, nakapagtalâ na ng 30 minahan ng mahahalagang metal tulad ng nikel, ginto, tanso, chromite, siin, at bakal. Ang mga minahan ng nikel ay nása Zambales, Palawan, Agusan del Sur, Surigao del Norte, at Surigao del Sur; ang ginto at mga ore ng pilak ay nása Benguet, Masbate, Camarines Norte, Davao del Norte, at Agusan del Sur; ang tanso na may ore ng ginto at pilak ay nása Cebu at Zamboanga del Norte; ang tanso na may ore ng ginto, pilak, at siin ay nása Albay; ang chromite ay nása Surigao del Norte at Eastern Samar; at ang bakal ay nása Leyte. Malaki ang naiaambag ng mga naturang mina sa eksport at sa pagbibigay ng trabaho sa mga mamamayan.

Hindi matatawaran ang halaga ng mga miniminang mineral sa pangangailangang pang-araw-araw ng tao. Kailangan ang tanso sa mga alambre at mga túbo, kailangan ang yero at nikel sa dutsa, kailangan ang flourite sa pastang pansepilyo ng ngipin, kailangan ang chromite sa tinà ng damit at tuwalya. Noong panahon ng Español, naging pangarap ng mga mananakop­ ang pagkuha sa Cordillera dahil sa pagnanais makamkam ang mina ng ginto doon. Gayunman, isang malaking problema ang polusyong idinudulot ng pagmimina at ang kaugnay na pagwasak sa kalikasan. Marami nang kaso ng malalaking pinsalang dulot ng minahan sa kaligiran at sa mga pamayanan sa paligid. Anupa’t masusing tinatalakay ngayon ang mga seguridad para sa responsableng pagmimina. Iginigiit din kung paanong higit na pakikinabangan ng mga mamamayan sa paligid ang pagmimina. (CID)

 

 

Cite this article as: mína. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/mina/