milégwas
Flora, plants, vines, ornamental plants
Ang milégwas ay baging na makinis ang punò, malapad ang dahon, mabango at balahibuhin ang dilaw o dilawing lungtiang bulaklak, katutubò sa India at China, at ipinasok sa Filipinas sa bungad ng ika-20 siglo. Nagmula sa Español na milleguas ang tawag ng mga Filipino rito, at tinatawag ding minigwas ng mga Bikol.
Karaniwang itinatanim ang milégwas sa bakuran ng mga tahanan, bagaman maaari rin itong tumubò bilang ilahas. Kapag tag-araw, matindi ang pamumulaklak ng puno ng milégwas at lalong tumitingkad ang halimuyak nitó sa araw at gabi. Sa koridong Ibong Adarna, ginamit ang halimuyak ng milégwas upang ilarawan ang Bundok ng Armenya sa isang saknong: “Simoy namang malalanghap/ may pabangong pagkasarap,/ langhapin mo’t may pagliyag/ ng sampaga at milegwas.”
Nagagamit naman umano ang mga bukong bulaklak ng milégwas sa pagluluto ng mga pagkain mula sa Vietnam at Thailand, na ipiniprito o pinapakuluan ang mga ito. (ECS)