Mestíso

Ang salitang mestíso (mestizo) ay tumutukoy sa mga anak ng mag-asawang magkaiba ang lahi. Noong panahon ng Español, ito ang naging taguri sa anak ng Español o Chino na ama at ng inang Filipina (o India) o ang kabaligtaran nito.

Hindi ipinagbabawal ang pagsasama ng magkaibang lahi. Sa katunayan, kinilala ang mga mestiso bilang isang natatanging sektor ng lipunan simula pa noong 1750. Gayunman, higit na mababà pa rin ang tingin sa kanila kompara sa mga anak ng parehong Español o Chino. Dahil dito, mas iniuugnay ang mga mestiso sa grupo ng mga Filipino o Indio kaysa mga lahing Español o Chino.

Karamihan sa mga mestiso bago ang siglo 19 ay mga“Mestizo de Sangley” o mga produkto ng ugnayang Tsino at Filipino. Di tulad ng mga mestisong Español, karamihan sa mga mestisong Chino ay madaling nakakahalubilo sa mga katutubong Filipino. Dumami lamang ang mga mestisong Español pagsapit ng siglo 19 nang buksan ang Filipinas sa pandaigdigang kalakalan at mapadali ang paglalakbay mula sa España matapos buksan ang Kanal Suez.

Noong gitnang bahagi ng siglo 19, marami na sa mga mestiso ang yumaman, nagmay-ari ng lupa, nakapag- aral at nagkaroon ng posisyon sa pamahalaan. Dahil sa hangaring tumaas ang pagkilala sa kanila sa lipunan, at bilang pakikiisa sa ibang inaaping sektor, naging aktibo ang mga mestiso sa usapin ng sekularisasyon ng mga parokya, sa Kilusang Propaganda, at sa Himagsikang 1896. Dahil dito, marami sa ating mga bayani, kagaya ni Dr. Jose Rizal, ay nagmula sa mga lahing mestiso. (MBL)

Cite this article as: Mestiso. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/mestiso/