máya
fauna, birds
Ang máya (Lonchura atricapilla) ay isang maliit na ibon, 11–12 sentimetro ang habà, na ti-natawag na Black-headed Munia o Chestnut Munia sa wikang Ingles. Matatagpuan ang ibong ito sa Filipinas at sa ibang bansa katulad ng Bangladesh, Brunei, Cambodia, China, India, Indonesia, Laos, Malaysia, Burma, Nepal, Singapore, Taiwan, Thailand, Vietnam, at Hawaii. Kilala rin ito sa tawag na máyang pulá upang makilala ang kaibhan nitó sa kayumangging maya o Tree Sparrow. Tinawag na máyang pulá ang Lonchura atricapilla dahil sa puláng balahibo nitó sa likurang ibabâ ng katawan na makikita lámang kapag ito ay lumilipad. Ang ibong ito ang dating pambansang ibon ng Filipinas bago pinalitan ng banoy o Philippine eagle noong 1995.
Langkay-langkay ang mga ito kung lumipad at magkakasama kapag dumapo sa mga punongkahoy. Karaniwang ang pagkain ay mga butil o maliliit na buto ng halaman. Malimit makita ang mga maya sa bukirin, parang at mga damuhan. Gumagawa ito ng pugad na hugis pabilog at yari sa damo, mga talahib o matataas na damo, at nag-bibigay ang babaeng máya ng 4 hanggang 7 maliliit na putîng itlog.
Sa pangkalahatan, maingay ang máya, subalit marami ang naniniwala na umaawit lamang ang mga ito kapag naririnig natin ang maingay na paglipad. Ang mga máya ay mabibilis kung lumipad, ngunit kapag nása ibabâ, ay palakad-lakad sa lupa. Ang paglakad na ito ay isang anyo ng panliligaw ng lalaking máya at bahagi ng isang ritwal na kinapapalooban ng pagtaas ng ulo, pagtuwid ng dibdib, pagbukang bahagya ng bagwis, at pagtaas ng buntot. (SSC)