máya-máya
Fauna, fish, aquatic animals, fisheries
Ang isdang máya-máya ay nabibilang sa pamilya Lutjanidae na karaniwang nabubuhay sa tubig alat lalong-lalo na sa mga bahura. Minsan ay makikita rin ito sa estuwaryo. Ito ay matatagpuan sa tropiko at sub-tropikong rehiyon ng karagatan hanggang sa lalim na 96 metro.
Sa kasalukuyan, may halos 100 espesye ng máya-máya at ang isa sa mga ito ay ang Lutjanus lutjanus. May 10–12 tinik sa palikpik sa likod samantalang ang palikpik sa puwit naman ay may 3 tinik. Ang ulo ay bahagyang nakahilig. Ang buto sa paligid ng matá ay makitid; mas maliit kaysa diyametro ng maáa. Ang hanay ng kaliskis sa likod ay umaangat nang pahilig sa itaas ng linya na nása tagiliran ng katawan. Karaniwan ay kulay-pilak na maputî at may malaking dilaw na
guhit mula gilid ng matá hanggang sa may ibabâ ng buntot. Sa ibabâng bahagi ng katawan ay may hanay ng makikitid at dilaw na guhit. Ang mga palikpik ay mapusyaw at kulay dilaw hanggang putî. Ang pinakamahabàng naitalâ ay 35 sentimetro at ang pinakamatanda naman ay 11 taong gulang.
Ito ay kumakain ng mga isda at krustaseo. Nagsasáma-sáma rin hábang lumalangoy. Kadalasan ay nahuhúli sa pamamagitan nang bingwit, galadgad, o kayâ pana. Ito ay isa sa mga importanteng komersiyal na isda. Nagiging mataas ang presyo ng maya-maya dahil umuunti ang nahuhúli. Ang sanhi ay ang laganap na pagkasira ng mga tinitirahan nitóng mga tangrib. (MA)