Arcadio Maxilom
(13 Nobyembre 1862–10 Agosto 1924)
Isa sa mga lider ng himagsikan sa Cebu si Arcadio Maxilom (Ar·kád·yo Mak·si·lóm) at kahuli-hulihang heneral na Sebwanong sumuko sa mga Americano.
Isinilang si Maxilom sa Tuburan, Cebu noon 13 Nobyembre1862 kina Roberto Maxilom, gobernadorsilyo ng naturang bayan, at Gregoria Molera. Nakapag-aral siyá, nagturo sa isang paaralan sa Tuburan, at humawak ng mga posisyon sa pamahalaang lokal hanggang maging kapitan munisipal hanggang 1896 nang mahikayat sumapi sa Katipunan ni Leon Kilat. Kasáma siyá sa pag-aalsa noong “Tres de Abril” (3 Abril 1898) at nang pataksil na paslangin si Kilat ay namunó siya sa mga Katipunero na namundok. Sa bandáng Disyembre1898, napalaya na ng mga Katipunero ang maraming bayan sa Cebu. Nang umalis ang mga Español, nagtatag ng isang pamahalaan sa Cebu sa ilalim ng Republikang Malolos, na si Luis Flores ang presidente at si Maxilom ang naging konsehal sa pulisya. Pagdating ng mga Americano noong 21 Pebrero 1899 at isinuko ni Flores ang kaniyang pamahalaan, muling namundok si Maxilom, kasáma si Juan Climaco at iba pang kapanalig.
Nanghina ang mga rebolusyonero laban sa masigasig na kampanya ng mga Americano. Noong 26 Setyembre1901, sumuko si Climaco. Noong 27 Oktubre 1901, sumuko rin si Maxilom at naganap ang kapangyarihan ng mga Americano. Bumalik sa Tuburan si Maxilom ngunit dinakip noong 18 Marso 1902 sa hinalang muling nagbabalak ng pag-aalsa. Inaresto din ang kaniyang mga kapatid na sina Enemecio at Samuel na kapuwa namatay. Pinalaya din si Maxilom, nagkasakit, at namatay noong 10 Agosto 1924. Dinaluhan ang kaniyang libing ng mga politiko ng Cebu, at pati ni Heneral Emilio Aguinaldo, bilang parangal sa hulíng pinunòng Sebwano ng Himagsikang Filipino. (GVS)