Mausoléo de los Veterános de la Revolucion
Ang Mausoléo de los Veterános de la Revolucion(re·bo·lus·yón) ay isang gusaling matatagpuan sa Manila North Cemetery na naglalaman ng mga labí ng mga makabayang lumaban para sa kasarinlan ng Filipinas noong Himagsikan 1896 at Digmaang Filipino-Americano.
Itinayô ng pamahalaan ng Maynila at ng Asociacion delos Veteranos dela Revolucion ang mausoleo noong 1915. Ang Filipinong arkitektong si Arcadio Arellano ang nagdisenyo ng gusali ayon sa pinagsanib na estilong Hispano- Filipino-Americano. Nagsilbi si Arellano bilang boluntaryong inhinyero noong Digmaang Filipino-Americano at naatasan ding pangasiwaan ang rekonstruksiyon ng Simbahan ng Barasoain. Pinasinayaan ang gusali noong 1920. Noong1993, ipinahayag ang mausoleo bilang Pambansang Makasaysayang Bantayog. Makikita sa harapan ng gusali ang ilang lilok at sagisag.
Ilan sa mga kasalukuyang nakalagak sa mausoleo at mga dating inilagak (at nailipat na) ay sina Marcela Agoncillo Aguinaldo, Juan Arevalo, Fernando Canon, Pio del Pilar, Licerio Geronimo, at Mariano Noriel. (PKJ)