matsíng
Fauna, animals, mammals, species, monkey, Jose Rizal
Ang Macaca fascicularis o matsíng ay isang uri ng mammal na mabalahibo ang katawan at mahabà ang buntot. Kabilang ito sa pamilyang Cercopithecidae at genus na Macaca. Si Sir Thomas Reffles ang nagbigay ng naturang scientific name ng mammal noong 1821 na pinaniniwalaang may kinalaman sa kulay nitó. Kilala rin ito bilang cynomolgus monkey sa mga laboratoryo at madalas na ginagamit sa mga eksperimento dahil nalalapit ang pisyolohiya sa tao.
Ang specie na Macaca fascicularis o mas kilala bilang crab-eating macaque ay mahilig makisalamuha at naninirahan sa grupong binubuo ng 5–60 matsing. Ang mga babaeng matsing ay nananatili sa isang lugar at grupo hábang ang mga lalaki naman ay umaalis-alis dito matapos ang apat o limang taón. May mahigpit na hirarkiya at dominasyon ang mga ito. Ang makapangyarihang lalaking matsing ang pinakamatagumpay sa reproduksiyon hábang ang makapangyarihang babaeng matsing naman ang pinakamatagumpay sa pagpapalaki ng anak. Bukod sa pagkain ng alimasag, kumakain din ito ng mga prutas, buto, bulaklak, ugat, ibon, butiki, at iba pa. Naninirahan ito sa iba’t ibang uri ng kaligiran, gaya ng kagubatan, bakawan, o maging sa mga lugar na tinitirahan ng mga tao. Katutubo ang matsing sa Timog Silangang Asia.
Matatagpuan sa Filipinas ang subspecie na Macaca fascicularis philippensis. Matatagpuan ito sa halos lahat ng mga kagubatan at bakawan sa kapuluan. Mayroon itong pulá kayumangging kulay, may buntot na 50–60sm ang habà, taas na 40–50sm o halos kasinlaki ng pusa.
Maraming banggit sa panitikang bayan ang matsing. Pinakabantog na pabula ang tungkol sa paghahati ng pagong at matsing sa punò ng saging. Noong 1885, iginuhit ni Jose Rizal ang naturang kuwento at noong 1889, isinulat ang isang pag-aaral tungkol sa dalawang pabula, isang pabula ng Filipinas na pagong at matsing at isang pabula ng Japan na alimango at matsing. (KLL)