Warning: Use of undefined constant setting - assumed 'setting' (this will throw an Error in a future version of PHP) in /home/hqe0tu85kswo/public_html/wp-content/plugins/cite/cite.php on line 105

mataharì

Fauna, fish, aquatic animals

 

Ang isdang mataharì ay kabilang sa pamilya Priacanthidae. Matatagpuan sa tropiko at sub-tropikong karagatan ng Atlantic, Pasific, at Indian­. Ang matahari ay may napakalaking matá na nagtataglay ng makinang na patong. Ang bibig ay malaki, nakataas at labis na nakahilig. Kalimitang may 10 tinik sa palikpik sa likod at 3 tinik naman sa palikpik sa puwit. Ang napakagaspang na mga kaliskis ay may nakakabit na tinik.

May 12 espesye ng mataharì na nása grupo ng Priacanthus at isa rito ay ang Priacanthus tayenus. Ang katawan ay matipuno at pikpik. Napakalaki ng mata, pahilig ang bibig, at kitang-kita ang ibabâng panga. Ang matitibay at matutulis na ngipin ay nakahilera sa may itaas na panga. Ang malambot na bahagi ng palikpik sa likod at puwit ay nakaanggulo o patulis.. Ang mga kaliskis ay maliliit, magaspang, at mahirap tanggalin. Ang katawan ay makinang na puláng-pulá, at mapusyaw sa may ilalim. Ang palikpik sa pelbik ay may natatanging maitim na puláng batik samantalang ang ibang palik-pik ay walang batik. Ang karaniwang habà ay 25 sentimetro at ang pinakamalaking naitalâ ay 35 sentimetro.

Ang mataharì ay makikita sa ilalim ng mabababaw na tubig hanggang sa 150–200 metro. Ito rin ay matatagpuan sa lugar ng mga bangkota at maaari ring pumasok sa mga tubig-tabang. Minsan ay nagsasama-sama rin sa paglangoy. Kumakain ito ng iba’t-ibang uri ng organismo na matatagpuan sa ilalim ng tubig. Karaniwang ibinebenta ito nang sariwa o inasnan at ginagawa ring pisbol. (MA)

 

Cite this article as: mataharì. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/matahari/