Matabungkáy

beaches, tourism, tourist destinations

Ang Matabungkáy ay isang popular na pook bakasyunan sa bayan ng Lian, sa kanlurang bahagi ng lalawigan ng Batangas sa Katimugang Luzon. Tampok dito ang isang white sand beach na may habàng dalawang kilometro at nakaharap sa Dagat Kanlurang Filipinas (Dagat Timog China). Ang Matabungkay ay isa sa 19 na barangay ng Lian.

Dinadayo ang Matabungkay ng mga turista mula sa Metro Manila dahil na rin sa lapit nitó (mahigit-kumulang. 120 km lamang). Bukod sa dalampasigan at mga resort nitó, paboritong gawain dito ang pagyay-ate, pangingisda, snorkeling , at diving. Mayroong maliit na tangrib hindi kalayuan mula sa pampang. Tuwing Mayo, idinadaos sa Matabungkay ang “Pista ng Balsa” (Balsa Festival ). Tampok dito ang isang karera ng mga balsa, at isang paligsahan sa pagpapaganda at pagpapa-hiyas ng balsa. (PKJ)

 

Cite this article as: Matabungkáy. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/matabungkay/