Masjíd Sultán Hassanál Bolkíah

Ang Masjíd Sultán Hassanál Bolkíah ang itinuturing ngayong pinakamalaking masjid o sentrong dalanginan ng mga Muslim sa Filipinas. Ipinatayô ito sa Lungsod Cotabato noong 2008 sa pamamagitan ng pondo mula sa pamahalaan ng Brunei sa lupang donasyon ng pamilya ni Kongresista Didagen Dilangalen ng Maguindanao. Ang masjid ay may ginintuang simboryo at apat na minaret (na40 metro ang taas ng bawat isa) ay matatanaw sa malayò. Dahil sa gilalas, dinadayo ito ng mga tao kahit walong kilometro ang layò mula sa pambansang lansangan.

May dalawang bulwagang dalanginan ang Masjid Sultan Hassanal Bolkiah, isa sa kalalakihan at isa sa kababaihan, at nahahati ng walong metro ang taas na partisyon. Maaari itong pasukin ng 15,000 katao. Ang mga panig ng dalanginan ay nakabukás tungo sa mga halamanan at pasyalan. Ang masjid ay idinisenyo ni arkitekto Felino Palafox Jr. at nagtataglay ng mga konseptong pangkaligiran, gaya ng maximum na gamit ng liwanag ng araw para sa maaliwalas na paligid at maliit na konsumo ng koryente. May balak pang magtayô ng ibang gusali, gaya ng isang malaking sentrong pangkumbensiyon, sa bakuran ng masjid. (VSA)

Cite this article as: Masjid Sultan Hassanal Bolkiah. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/masjid-sultan-hassanal-bolkiah/