Masíno Intáray
Ipinagkaloob kay Masíno Intáray at sa Basal and Kulilal Ensemble ng Makagwa Valley, Brookes Point, Palawan ang Gawad Manlilikha ng Bayan noong taong1993. Kinilala ang kanilang kaalaman sa panitikan at musikang Palawan na patuloy nilang ibinabahagi lalong-lalo na sa mga kasapi ng kanilang komunidad. Magkakawing ang kultura ng Palawan at ang kalikasan. Para sa kanila, walang nagmamay-ari ng lupa, dagat, kalangitan, at ng mga elemento ng kalikasan. Dahil dito, lahat ay ibinabahagi sa buong komunidad.
Makikita ito sa “tambílaw” at“tinapay,” ang dalawa sa mga pinakamahalaga nilang ritwal. Ang una ang sama-samang pagluluto ng bigas at pagbabahagi ng kanin. Isinasagawa rin dito ang pag-aalay kay Ampo’t Pa ray, ang Panginoon ng Palay. Samantala, ang tinapay ay tawag sa seremonya ng pag-inom ng alak na gawa sa bigas. Sa mga okasyong katulad ng mga nabanggit tinutugtog ang basal o gong ensemble. Ito ang gumigising at nagbibigay-buhay sa magdamagang pagdiriwang ng tinapay. Ang musika rin ng mga gong ang tulay upang makaulayaw ng mga Palawan ang Dakilang Diyos nilang si Ampo at si Ampo’t Paray. Bukod sa mga instrumentong musikal, bahagi rin ng basal ensemble ang “tarak,” ang sayaw ng mga dalagang mabilis na pumadyak nang paurong-sulong sa “kolon banwa” (malaking bahay) habang hawak ang mga dahon ng gabe sa magkabilâng kamay.
Sa kabilâng dako, ang halimbawa ng kanilang panitikan, ang “kulilal” at “bagit,” ay naririnig din sa mga pagdiriwang. Lirikong tula tungkol sa marubdob na pag-ibig ang kulilal. Sinasaliwan ito ng kusyapi kung lalaki ang tumutugtog at pagang o kawayang sitara kung babae. “Kusyapi” rin ang sumasaliw sa bagit, ang instrumental na musikang gumagaya sa ritmo, galaw, at tunog ng mga hayop, insekto, dahon, at iba pang mga bagay na pangkalikasan.
Bilang makata at musiko, dalubhasa sa mga nabanggit na sining si Masino. Bukod dito, mahusay din siya sa pagtugtog ng “aroding” (alpang pambibig) at “babarak” (plawta), at sa pagbigkas ng kanilang mga “tultul” (epikong-bayan), “sudsungit” (kuwento), at “tuturan” (mito at mga turo ng kanilang mga ninuno). Sa pamamagitan ng mga talentong ito, naipapahayag at naituturo niya, kasama ng Basal and Kulilal Ensemble, ang kanilang sining at panitikan sa kanilang komunidad lalong-lalo na sa mga nakababatà nilang kasapi. (GB)