Másakér sa Balangigà
May dalawang mukha ang tinatawag na Másakér sa Balangigà. Una, ito ay isa sa mga tagumpay ng hukbong Filipino sa panahon ng Digmaang Filipino-Americano. Naganap ang maramihang pagpatay sa isang pangkat ng sundalong Americano sa Balangigà, Samar noong 28 Setyembre 1901. Ikalawa, ang malagim na higanti ng hukbong Americano sa pamamagitan ng sistematikong pagsunog sa mga bahay, pagpatay ng mga bihag na gerilya, pati ng mga sibilyan at alagang hayop, hanggang magmistulang tiwangwang ang maraming bayan ng Samar.
Dumating sa Balangiga ang Company C ng 9th US Infantry Regiment noong 11 Agosto 1901 para isara ang daungan ng bayan at pigilin ang suplay para sa mga gerilya sa ilalim ni Heneral Vicente Lukban. Mainam sa simula ang pakikitungo ng mga Americano sa mga mamamayan. Ngunit noong ikalawang linggo ng Setyembre, nabalitaan ng mga Americano ang pagdalaw ng isang pangkat ng gerilya. Naghigpit ang mga Americano. Ipinatipon ang mga lalaki at 80 ang binimbin nang hindi kumakain magdamag. Sinamsam din ang mga gulok. Nagplano ng ganti ang mga taga-Balangiga.
Ilang araw bago ang salakay, nagkunwang dumami ang mga lalaki na nagtatrabaho bilang paghahanda sa pista. Nagpasok din ng maraming tubâ para malasing ang mga sundalo. Ilang oras bago ang salakay, pinaalis ang mga babae at batà. Nagbihis babae ang mga lalaki at kunwa’y pupunta sa misa. Bago mag-ikapito ng umaga ng Setyembre28, kumilos si Valeriano Abanador, hepe ng pulisya sa bayan at isa sa pasimuno ng salakay. Sinunggaban niya ang isang sundalong Americano. Kumilos ang lahat, pati ang mga detenido, at halos di-nakaputok ang nabiglang mga sundalo. Marami na ang patay bago nakapagtanggol ang natitira at naitaboy ang mga Filipino. Sa 74 tauhan ng Company C, 36 ang napatay sa labanan, kasama sina Kapitan Thomas W. Connell at Medyor Richard S. Griswold, 22 ang nasugatan, at apat ang nawawala. Nakakuha ng 100 riple at maraming amyunisyon ang mga taga-Balangiga, at 28 sa kanila ang nasawi at 22 ang sugatan.
Galít na galít si Heneral Jacob Smith nang iutos na puksain ang mga taga-Samar. “The interior of Samar must be made a howling wilderness,” utos niya kay Medyor Littleton Waller. Sa isang report pagkaraan ng 11 araw, iniulat na Waller na sinunog ng mga tauhan ang 255 bahay, binaril ang 13 kalabaw, at pinaslang ang 39 tao. May mga historyador na nagsasabing libo-libo ang napuksa sa Samar bago matapos ang digmaan. Ninakaw din ang tatlong batingaw ng Balangiga, bilang war booty, at hindi isinasauli hanggang ngayon sa kabila ng mga opisyal na petisyon ng Filipinas. (VSA)