martiníko
Fauna, fish, aquatic animals
Ang martiníko (Anabas testudineus (Bloch, 1792)) ay isdang nabibilang sa pamilyang Anabantidae. Ito ay tina-tawag ding tinikan, puyo, o gutan. Ito ay matatagpuan sa Africa at Asia, mula India hanggang Filipinas.
Ang hugis ng katawan ay nagbabago depende sa edad at dami ng kinakain. Ang makaliskis na ulo ay may 4–5 hilera sa pagitan ng matá at hulihang takip sa hasang. Ang kaliskis ay malaki at regular ang ayos. Ang tinik sa likod ay 16–20 samantalang ang tinik sa puwit ay 9–11. Ang kulay ay madilim hanggang berdeng maputla. Napakamaputla sa ibabâ, madil-im ang likod at kulay olibo. May pahabâng guhit sa ulo. Ang ibabâng takip sa hasang ay may itim na batik. Ang ayris ay malagintong pulá. Ang karaniwang habà ay 12.5 sentimetro at ang pinakamalaking naitalâ ay 25 sentimetro.
Ang martiníko ay nagtataglay ng kagamitan sa paghinga ng hangin kung kayâ’t nagagawang mabúhay nang ilang araw o linggo na wala sa tubig kung ang gamit paghinga ay pananatilihing mamasâ-masâ. Kilaláng may kakayahang maglakad, ito ay karaniwang matatagpuan sa mga kanal, lawa, palaisdaan, latian, at estuwaryo. Ang tigulang ay naglalagi sa malalaking ilog at maruruming tubig. Madalas ding nakikita sa mga lugar na maraming halaman. May kakayahang mamuhay sa maputik, mal-abò, at maruming tubig. Nananatiling nakabaón ito sa ilalim ng putik sa tag-init at nananatili sa tubig na may nakalubog na kahoy at palumpong. Kumakain ito ng mga pananim, hipon, at batàng isda.
Naiulat na ang martiníko ay naglalakbay mula Mekong o iba pang permanenteng tubigan. Ito ay importanteng pagkain ng tao sa timog-silangang Asia dahil sa masarap pero hindi de-kalidad dahil sa matinik ito. Karaniwang ibinebenta nang buháy sa mga palengke na may pinapanatiling halumigmig. (MA)