Paz Marquez-Benitez

(3 Marso 1894–10 Nobyembre 1983)

Nakatampok na tagumpay ni Paz Marquez-Benitez (Paz Mar·kés Be·ní·tes) bilang kuwentista ang “Dead Stars” na nalathala noong 20 Setyembre1925 sa Philippines Herald at itinuturing na unang makabagong maikling kuwento sa Ingles. Isa siyá sa kauna-unahang babaeng nagtapos sa Unibersidad ng Pilipinas, nagturo ng panitikan sa naturang unibersidad, at naging guro at impluwensiya ng mga kabataang manunulat sa Ingles na gaya nina Manuel E. Arguilla, Salvador Lopez, Paz Latorena, Loreto Paras (Sulit), Bienvenido Santos, Arturo B. Rotor, Francisco Arcellana, at Jose Garcia Villa. Noong 1928, tinipon niya ang mga akda ng kaniyang mga estudyante at pinamatnugutan ang kauna-unahang antolohiya ng mga akdang Filipino sa wikang Ingles, ang Filipino Love Stories.

Ipinanganak siyá noong 3 Marso 1894 at anak ng mga gurong sina Gregorio Marquez at Maria Jurado ng Tayabas, Quezon. Nagpakasal siya sa isa ring iginagalang na guro, si Dekano Francisco Benitez, at nakaroon silá ng apat na anak. Namatay siyá noong 10 Nobyembre 1983.

Bukod sa panitikan, kinikilála rin ang ambag niya sa edukasyon at sa usaping pangkababaihan. Naging katuwang na tagapagtatag siyá ng Philippine Women’s University kasáma nina Clara Aragon, Concepcion Aragon, Francisca Tirona Benitez, Carolina Ocampo Palma, Mercedes Rivera, at Socorro Marquez Zaballero. Noong 1919, itinatag niya ang Woman’s Home Journal ang kauna-unahang magasing pangkababaihan sa bansa. Katuwang rin siyá ng kaniyang asawa sa pagbuo ng Philippine Journal of Education, isang magasin na itinatag para sa mga pampublikong guro. Nang mamatay ang kaniyang asawa noong1951, tumigil siyá sa pagtuturo at itinuon ang kaniyang panahon sa pamamahala at pamamatnugot ng nasabing magasin. (JGP)

Cite this article as: Marquez-Benitez, Paz. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/marquez-benitez-paz/