marmól

rocks, construction, sculpture, crafts, building materials

Ang marmól (marble sa Ingles) ay matigas na bato na maaaring pakinisin at pakintabin. Karaniwan itong ginagamit sa eskultura at arkitektura, at ilang maririkit na halimbawa ang Taj Mahal sa India, na likha lámang sa marmol, at mga gusali sa sinaunang Athens at Rome. Bukod sa putî, may mga marmol na kulay abo, itim, lungti, rosa, kayumanggi, bulawan, dilaw, at bughaw. Maaari ring lumikha ng artipisyal na marmol gamit ang pinaghalòng alabok ng marmol at semento.

Kilaláng sentro ng produksiyon ng marmol ang Italia, Estados Unidos, at Pakistan. Sa Filipinas, may ilang tanyag na lugar na pinagmumulan ng marmol. Isa dito ang lala-wigan ng Romblon, na naging kasingkahulugan na rin ng marmol sa kulturang Filipino. Matatagpuan ang marmol sa lahat ng pulo ng Romblon, at tinatayang ang ilalim na estruktura ng mga isla ay gawa mismo sa marmol. Matatagpuan sa isla ng Cobrador ang mga deposito ng dipangkaraniwang itim, bulawan, at lungting marmol. Sinasabing ang mga marmol mula Romblon ay káyang tumapat sa bantog na Italiano na marmol. Sa kasaysayan ng bansa, isa pang lugar na pinagmulan ng marmol at naging mahalaga dahil sa lapit nitó sa Kamaynilaan ay ang mga bayan ng Antipolo at Teresa sa lalawigan ng Rizal. Sa kasalukuyan, mahigit kalahati sa pangangailangang marmol ng bansa ay tinutugon ng lalawigan ng Bulacan, na maraming deposito sa mga bayan ng Doña Remedios­ Trinidad, Meycauayan, Norzagaray, San Ildefonso, San Jose del Monte, San Miguel, at San Rafael. Noong 1989, ipinahayag na Pambansang­ Parke at Mineral Reservation ang Biyak-na-Bato sa lalawigan. Sa kabuuan, tinatayang may 6.7 bilyong tonelada ng marmol at limestone ang Fili-pinas at 17 ang lalawigan na maaaring may deposito ng mga ito.

Isang katangian ng maririwasang tahanan sa Filipinas ang paggamit sa marmol. Hindi rin ito nawawala sa sement-eryo at sa mga munting pagawaan ng lapida at marmol sa tabi-tabi. Hitik sa marmol ang mga altar, sahig, at estatwa ng malalaki, at kahit maliliit, na simbahan. Isang halimbawa­ ang Simbahang San Sebastian sa Maynila, na tanyag bilang nag-iisang simbahang gawa sa bakal lámang sa buong Asia. Ang anim nitóng lalagyan ng banal na tubig, pawang mga gawa sa marmol, ay may nakaukit na pananda ng kanilang pinanggalingan sa Romblon. (PKJ)

 

 

Cite this article as: marmól. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/marmol/