Patricio Mariano

(17 Marso 1878–28 Enero 1935)

Si Patricio Mariano (Pat·rís·yo Mar·yá·no) ay bantog makata, nobelista, mandudula, nasyonalista, rebolusyonaryo, biyolonista, at pintor. Nakapag-ambag siyá sa pagpapaunlad ng dulang Tagalog at gayundin ay iniangat ang kasiningan ng dula sa panahon ng komersiyalisasyon. Isinilang siyá noong 17 Marso 1878 sa Santa Cruz, Maynila kina Petronilo Mariano at Dionisia Geronimo. Nag-aral siyá ng sekundarya sa Ateneo Municipal at Colegio de San Juan de Letran. Nag-aral siyá ng pagpipinta, biyolin, abogasya at bookkeeping sa Escuela de Artes y Oficios. Natanggap niya ang kaniyang Bachelor of Arts sa Liceo de Manila.

Naging mahalagang impluwensiya ng kaniyang pagsali sa Katipunan si Jose Dizon, isang lider ng Katipunan. Nagtrabaho siyá sa palimbagan nitó. Naging tenyente siyá sa Katipunan noong Himagsikang 1896. Noong 1898, pinili niyang maglingkod na kanang kamay ni Ambrosio Rianzares Bautista, tagapayo ni Heneral Emilio Aguinaldo. Isa din siyá sa mga tagapagtatag ng patriyotikong organisasyong Asociacion Pro Patria. Sa panahong iyon, sumulat siyá sa Heraldo de la Revolucion. Sa panahon ng Americano, nag-ambag siyá sa mga publikasyong gaya ng Kalayaan, Muling Pagsilang, Lunas ng Bayan, La Feria de Novedades, La Vanguardia, Taliba, La Opinion, at El Debate.

Naging manunulat siyá ng mga sarsuwela at nagsalin ng mga akdang pampanitikan. Ang kaniyang unang dula, Sampaguita, ay itinanghal sa Teatro Zorrilla noong 1901; Ang Silanganan sa Teatro Rizal noong 1904; at Ang Pakakak sa Manila Grand Opera House noong 1914. Ang pinakapopular niyang sarsuwela, Ang Anak ng Dagat, na itinanghal sa Teatro Zorrilla noong 1921, ay tungkol sa isang batang babae na iniligtas ng isang mangingisda at ng kaniyang asawa. Ang Lakangbini naman ang itinuturing ng mga kritiko na kaniyang obra maestra. Ang ilan naman sa kaniyang isinalin ay ang Lucia di Lammermoor, La traviata, at ang Noli me Tangere at El filibusterismo ni Jose Rizal. Nakasulat din siya ng mga nobela: Ang Bunga ng Nalantang Bulaklak (1908), Tala sa Panghulo (1913), Mga Anak-Dalita (1911), at Ubod ng Isang Bulaklak.

Bilang nangungunang mandudula sa wikang Tagalog, nilabanan niya ang komersiyalisasyon ng mga dulang Tagalog. Ang kaniyang mga isinulat ay naging mahalagang ambag sa paggamit at pagpapahusay ng wikang Tagalog para sa dula. Ikinamatay niya ang isang tumor sa leeg noong 28 Enero 1935. (KLL)

Cite this article as: Mariano, Patricio. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/mariano-patricio/