Daniel Maramba
(21 Hulyo 1870–28 Disyembre 1941)
Si Daniel Maramba (Dan·yél Ma·rám·ba) ay kilalá bilang “Grand Old Man of Pangasinan” dahil sa kanyang pamumunò sa kilusang nagtanggol sa mga bayan ng Gitnang Pangasinan noong panahon ng mga Español. Sumunod sa yapak ng kaniyang tiyong si Valentin Diaz na isa sa mga tagapagtagtatag ng Katipunan, naging kasapi rin si Maramba ng samahan bilang “Baga” noong 23 Hulyo 1893. Bukod sa ipinamalas na tapang bilang isa sa mga pinunò ng kanyang pamumunò sa kilusang nagtanggol sa mga bayan ng Gitnang Pangasinan noong panahon ng mga Español. Sumunod sa yapak ng kaniyang tiyong si Valentin Diaz na isa sa mga tagapagtagtatag ng Katipunan, naging kasapi rin si Maramba ng samahan bilang “Baga” noong 23 Hulyo 1893. Bukod sa ipinamalas na tapang bilang isa sa mga pinunò ng rebolusyon, nagpakita rin siyá ng husay sa pamumuno bilang isang politiko.
Supling ng mag-asawang Guillermo Maramba at Maria Bautista, ipinanganak si Daniel Maramba noong 21 Hulyo 1870 sa Sta. Barbara, Pangasinan. Bago pa man pumasak sa paaralan, natuto na ng alpabeto ang batàng Maramba sa kaniyang nanay. Kumuha siyá ng batsilyer ng artes sa Colegio de San Juan de Letran noong1888 at dumeretso sa kursong agrikultura sa Unibersidad ng Santo Tomas at nagtapos noong 1892. Kinakitahan na ng kritikal na pag-iisip laban sa mga Español si Maramba nang hindi niya sundin ang rekisitong paghalik sa kamay ng fraile. Nakulong siyá dahil dito at napalaya lamang dahil sa gobernador ng probinsiya. Isang taon pa lamang pagkatapos bumalik sa kaniyang bayan sa Pangasinan, tumungo na muli ng Maynila si Maramba para maging kasapi ng Katipunan. Bumalik siyá sa Sta. Barbara noong 1894 at naging direktor ng gobernadorsilyo. Ito rin ang taon na napangasawa niya si Pelagia Garcia.
Noong 1897, itinalagang tenyente si Maramba para pamunuan ang pakikipaglaban sa mga Katipongos, isang grupo ng mga magnanakaw at nagbabalatkayo bilang mga Katipunero. Sa muling pagsiklab ng rebolusyon noong 1898, pinamunuan niya ang rebolusyon sa Gitnang Pangasinan. Sinimulan niya ang laban sa Sta. Barbara bilang Komandante at pinalaya mula sa kamay ng mga Español ang bayan ng Mangaldan at Dagupan. Dahil sa sunod-sunod na pagkapanalo, hinirang siyang tenyente koronel. Sa Digmaang Filipino-Americano noong 1899, sumanib siyá sa puwersa ni Heneral Luna,nadakip noong 1901, at nang makalaya ay tinanggap muli ang posisyong hukom ng Sta. Barbara.
Sunod-sunod na ang kaniyang naging posisyon sa pamahalaan. Noong 1906, inihalal siyáng presidente ng munisipyo ng Sta. Barbara at dito nakapagpatayô ng mga paaralan at nakapagpaayos ng mga kalye para sa bayan. Binigyang pansin din niya ang pagpapabuti ng estado ng agrikultura sa lugar. Pagkatapos maging presidente ng munisipyo, inihalal naman siyáng gobernador ng Pangasinan noong 1916. Nanalo siyáng kinatawan ng ikatlong distrito ng Pangasinan noong 1934 at assemblyman noong 1935. Inihalal siyáng senador noong 1941 sa kabila ng kahinaan dahil sa sakit. Halos isang buwan pa lang na nakaupô sa bagong posisyon, namatay na si Maramba dahil sa tuberkulosis noong28 Disyembre 1941. Inilibing siyá sa Sementeryong La Lama hanggang mailipat sa kanyang bayang Sta. Barbara noong 27 Pebrero 1947.
Sa okasyon ng sentenaryo ng kaniyang kapangangakan noong Hulyo 1970, nagtalaga ang National Historical Institute ng dambana sa Sta. Barbara bilang pagkilála sa iginagálang na anak ng bayan. (CID)