Mapúlong

astronomy, constellation, Austronesians

Tulad ng Balátik, isa pang popular na konstelasyon o lawas ng mga bituin ang Mapúlong. May entri itong “mapólong” sa bokabularyong Noceda at Sanlucar (1754) at “mapólon” sa San Antonio (sirka 1624) at kapuwa nag­ bibigay ng pakahulugang “Las cabrillas”—ang tawag ng mga Español sa konstelasyong Pleiades. May ulat si Loarca (1582) na ibinabadya ng paglitaw ng “Molopolo,” tawag sa Panay sa Mapúlong, ang panahong ulanin. Para kay F. Landa Jocano, hindi iyon Hu-nyo. Sa halip, nangangahulugan iyon ng buwan ng Enero para maihanda ang kaingin bago dumating ang tag-ulan. Binanggit din ni Plasencia (1589) ang Mapúlong katumbas ng siete cabrillas at sinabing tagabadya din ito ng panahon ng pagtatanim.

May panukala si Scott na “Moroporo” ang gamit-ing katutubong tawag sa Pleiades, alinsunod sa tawag sa Bikol, dahil kahawig ito ng “Molopolo” sa Panay at sa Bukidnon, “Murupuru” sa mga Antikenyo at Tagbanwa, “Mulupulu”­ sa mga Arumanen Manobo ng Cotabato, at “Manapuru” sa mga Palawanon ng Palawan.

Ang “mapúlong” ay mahihiwatigang naglalarawan sa malaking bilang ng mga bituin na bumubuo sa Pleiades. Tila nga naman mga tao ito na nagtitipon upang mag-usap. Sa mga Palawanon, nangangahulugan ang tawag nilá na tumpok ng mga kamote. Ang bagong tawag dito ng mga Tagalog ay “Súpot ni Hudas” at mahahalata ang impluwensiyang Kristiyano hinggil sa naganap na pagtataksil ni Hudas kay Jesucristo kapalit ng pabuyang 30 pirasong pilak. Bakit kayâ hindi pinalaganap ng mga Español ang kanilang tawag na “pitong munting kambing”? Marahil, dahil mas angkop ang kayamanang nilalaman ng lukbutan ni Hudas para sa natatanaw niláng dami ng bituin sa Mapúlong kaysa pipitó lámang na kambing? (VSA)

 

Cite this article as: Mapúlong. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/mapulong/