Tomas Mapua

(21 Disyembre 1888–22 Disyembre 1965)

Si Tomas Mapua (To·más Ma·pú·wa) ang unang rehistradong arkitekto ng Filipinas. Isa siyá sa unang apat na pensiyonado sa Estados Unidos sa larang ng arkitektura. Tanyag siyá bilang tagapagtatag ng Mapua Institute of Technology, ang isa sa pangunahing pamantasan ng inhinyeriya at arkitektura sa buong bansa.

Pagbalik sa Filipinas pagkatapos mag-aral sa Estados Unidos, nanungkulan siyá bilang supervising architect ng Kawanihan ng Pagawaing Bayan kasáma si Juan Arellano. Pinamunuan niya ang maraming proyekto ng pamahalaan, kabilang ang Philippine General Hospital, Psychopathic Building (National Mental Hospital), at School for the Deaf and Blind. Bumuo din siyá ng sariling kompanya ng konstruksiyon. Bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, naging tanyag ang kaniyang mga disenyo para sa mga pribadong bahay sa Maynila. Bukod sa mga gawaing ito, nanungkulan din siyá bilang konsehal ng lungsod.

Itinatag ni Mapua ang pamantasang nakapangalan sa kaniya, ang MIT, noong 25 Enero 1925. Maituturing ito bilang pinakamahalagang ambag ni Mapua sa bansa, sapagkat sa pamantasang ito nalinang ang marami sa pinakamahuhusay na tagapagtaguyod ng makabagong arkitekturang Filipino, tulad nina Federico Ilustre at Lor Calma. Itinatag din niya ang unang samahang pang-arkitektura sa bansa, ang Philippine Institute of Architects.

Ang kaniyang bisyong pangsining ay nahasa ng estilong Beaux Arts, at sinikap niyang ipatupad ang mga plano ni Daniel Burnham para sa Maynila ayon sa Neoklasikal na disenyo. Ilan sa mga obra niya ay ang dating Pier7, na isa sa pinakamahabàng gusali sa Filipinas noon; ang Librada Avelino Hall ng Centro Escolar University, at dito niya pinaghalò ang mga estilong Neoklasikal at Art Deco; at ang J. Mapua Memorial Hall ng MIT, na pinagsanib naman niya ang mga prinsipyong Neoklasikal at Modernista. Noong 1954, ginawaran siyá ng Gold Medal of Merit ng Philippine Institute of Architects. Noong 1964, isang taon bago ang kaniyang pagpanaw, kinilála siyá bilang Patnubay ng Sining at Kalinangan sa Maynila.

Isinilang siyá noong 21 Disyembre 1888 sa Maynila kina Juan Mapua at Justina Bautista. Nag-aral siyá ng elementarya sa Ateneo de Manila at Liceo de Manila. Bilang isa sa mga unang pensiyonado sa larang ng arkitektura(kasama sina Juan Arellano, Carlos Barreto, at Antonio Toledo), ipinadalá siyá sa Estados Unidos upang mag-aral sa Boone’s Preparatory School bago magtapos ng Arkitektura sa Cornell University noong 1911. Nagkaroon siyá ng isang anak sa asawang si Rita Moya. Pumanaw siyá noong 22 Disyembre 1965. Bilang pagkilala sa kaniyang mga kontribusyon sa bansa, ipinangalan sa kaniya ang Kalye Misericordia sa Sta. Cruz, Maynila. Makikita rin ang isang palatandaan para sa kaniya sa kampus ng MIT sa Intramuros. (PKJ)

Cite this article as: Mapua, Tomas. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/mapua-tomas/