Mapa ng Filipinas ni Padre Murillo Velarde

Ang Mapa de las yslas Philipinas (Má·pa de las ís·las Fi·li·pí·nas) o Mapa ng mga isla ng Filipinas na nilikha ni Padre Murillo Velarde at inilimbag noong 1734 ang itinuturing na “Ina ng mga Mapa ng Filipinas” at pinakatanyag na mapa na naglalarawan sa bansa.

Noong 1732, inatasan ni Gobernador-Heneral Fernando Vales Tamon ang Heswitang pari na si Murillo na gumawa ng isang mapa ng kapuluang Filipinas. Inukit ito ni Nicolas de la Cruz Bagay, na inilarawan sa ilalim ng mapa bilang “indio tagalo” (katutubong Tagalog) at isang “maestrong manlilimbag, mahusay na tagaukit, at tapat na kaibigan.” Iginuhit ng isa pang Filipino, si Francisco Suarez, ang 12 munting dibuho na naglalarawan ng mga eksena sa bansa.

Inilimbag ang isang mas maliit na bersiyon ng mapa noong 1744 at inilathala sa kasaysayan ng probinsiyang Heswita ni Murillo noong1749. Nawala ang mga plate ng mapa sa panahon ng pananakop ng mga Ingles sa Maynila noong 1762–1764.

Noong 1934, sa isang monograph na gumugunita sa ika-200 taón ng mapa, itinalâ ni Padre Miguel Selga ang 125 mahahalagang isla na makikita sa mapa.

Nitóng 2012, naibalik ang mapa ni Velarde sa kamalayan ng sambayanan dahil sa alitan ng Filipinas at Tsina sa Panatag Shoal (o Scarborough Shoal), isang kumpol ng mga bato at maliliit na isla sa Dagat Kanlurang Filipinas (Dagat Timog China), malapit sa lalawigan ng Zambales. Inilalarawan kasi ng mapa ang Panatag, na dati’y tinatawag na Panacot at Bajo de Masinloc, bilang bahagi ng Filipinas. Ginamit ito ng mga pinunò at ng midya ng bansa bilang patunay ng lehitimo at makasaysayang pagmamayari ng Filipinas sa Panatag. (PKJ)

Cite this article as: Mapa ng Filipinas ni Padre Murillo Velarde. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/mapa-ng-filipinas-ni-padre-murillo-velarde/