E. Arsenio Manuel
(1909–Disyembre 2003)
Espiridion Arsenio Manuel (Es·pi·rid·yón Ar·sén·yo Man·wél) ang buong pangalan ni E. Arsenio Manuel, pangunahing antropologo, at itinuturing na “Ama ng Makabagong Pag-aaral ng Polklor sa Filipinas.” Ang mahigit kalahating siglong pananaliksik niya ay ginugol sa dokumentasyon ng pangkating lumad sa Gitnang Mindanao, pagrekord at pagsasalin ng tatlong epikongbayan, at mga saliksik sa kasaysayan, panitikan, at linguwistika.
Isinilang si Manuel sa Santo Domingo, Nueva Ecija. Nagtapos siyá sa University of Manila noong 1935, nagmaster sa University of the Philippines noong 1954, at nagdoktorado sa University of Chicago noong 1969. Naglingkod siyáng propesor sa UP hanggang magretiro. Kabilang sa mga gawad niya niyang tinanggap ang 1989 CCP Gawad para sa Sining, ang 1991 National Social Scientist Award, at ang2000 Dangal Alab ng Haraya mulang National Commission for Cultrure and the Arts (NCCA). Ipinakilála niya sa madla ang epikong-bayang Tuwaang at Agyu. Bukod sa mga pagsusuring antropolohiko, itinuturing na mahalagang saliksik niya ang apat na bolyum na Dictionary of Philippine Biography (1955-1970), Tayabas Tagalog Fragments from Quezon Province (1958), A Survey of Philippine Folk Epics (1963), A Lexicographic Study of Tayabas Tagalog in Quezon Province (1971), Documenting Philippinesian: An Inquiry into the Ancestry of the Filipino People (1994).
Itinaas niya ang pamantayan sa saliksik hinggil sa polklor ng Filipinas. Kayâ wika ng parangal sa kaniya ng NCCA, kahit ang designasyon sa kaniya bilang “Ama ng makabagong Pag-aaral ng Polklor sa Filipinas” ay hindi sapat upang “itanghal ang esensiya” at kabuluhan ng kaniyang mga trabaho. Namatay siyá noong 2003. (EGN)