Mansion House

Opisyal na tirahan ng Pangulo ng Filipinas ang Mansion House (Mán•syon Haws) kapag pumupunta ng Lungsod Baguio. Ang Mansion House ay isang makasaysayang gusali. Ito ay matatagpuan sa Leonard Wood Road, itaas lamang ng kilaláng Wright Park na may narerentahang mga kabayo para sakyan. Dinisenyo ito ni William Parsons na sumunod sa disenyo ng mga Español. May hiwalay na guest house sa malapit sa pangunahing gusali at naroon ang isang museo para sa mga memorabilya ng mga pangulo ng bansa.

Naitayô ito noong 1908 sa pangunguna ng Governor General William Cameron Forbes, at ipinangalan niya ito sa kanyang summer cottage sa New England. Dito ginanap ang pulong ng ikalawang Lehislatura ng Filipinas sa loob ng tatlong linggo noong 1910. Nang masira ang Mansion House noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ito ay inayos noong 1947. Mula noon ay naging palagiang lugar na ito ng iba’t ibang mahahalagang okasyong nasyonal at internasyonal. Sa kasalukuyan, tanyag na pasyalan ng mga turistang Baguio ang Mansion House. (PGD)

Cite this article as: Mansion House. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/mansion-house/