Manila Times

Ang Manila Times (Ma·ní·la Tayms) ang pinakamatandang diyaryong nakasulat sa Ingles sa Filipinas. Ang unang tagapaglathala nito ay si Thomas Gowan, isang Englishman na may ilang panahon nang naninirahan sa Filipinas, para sa mga sundalong Americano sa bansa. Dalawang beses itong pansamantalang nagsara, ngunit muling nagbukás at patuloy na lumalabas.

Noong 10 Oktubre1898, inilabas sa isang boletin na may pamagat na The Manila Times ang unang press cable na natanggap sa Filipinas. Ibinalita nitó ang kumperensiya sa Paris upang wakasan ang Digmaang España- Estados Unidos. Nagpatuloy ito ng araw-araw na pagbabalita noong 14 Marso 1930. Ngunit ipinasiya ng mga anak ni Don Alejandro Roces na ipagpatuloy ito. Binili nilá ang imprenta ng Tribune-Vanguardia- Taliba at nagtayô ng korporasyon, ang The Manila Times Publishing Co., Inc.

Naging pinakamalaking peryodikong pambansa ang Manila Times pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Muli itong nagsara noong 23 Setyembre 1972 nang ipataw ang batas militar sa Filipinas. Nagbukas na muli ito noong 5 Pebrero 1986, ngunit ibinenta ito kay John Gokongwei. Napilitan si Gokongwei na ibenta ito kay Mark Jimenez nang idemanda ang diyaryo ng noon ay Pangulong Joseph Estrada dahil sa ibinalita nitó na“ang pangulo ay naging di sinasadyang ninong ng isang maanomalyang transaksiyon.” Noong 8 Agosto 2001, pormal nang naupô bilang publisher at may-ari ng Manila Times si Dante Ang. (AEB)

Cite this article as: Manila Times. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/manila-times/