Maníla Metropolítan Theater

Ang Maníla Metropolítan Theater ay isang makasaysayang gusali na may disenyong art deco at matatagpuan sa daang Padre Burgos sa Lungsod Maynila. Pinasinayaan noong 1931, ang gusali ang isa sa mga pangunahing at tanyag na tanghalan ng mga dula bago sumapit ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Mayroon ito noong kapasidad para sa 1670 katao.

Ang kilaláng arkitektong Filipino na si Juan M. Arellano ang lumikha ng disenyo ng gusali. Naging katuwang niya sa pagpapahiyas ng teatro ang Italiano na eskultor na si Francesco Riccardo Monti, na siyáng lumilok sa mga tansong estatwa ng babae sa harapan ng gusali. Ang Filipino na si Isabelo Tampinco naman ang umukit ng mga relief carving ng mga halaman ng Filipinas na matatagpuan sa loob ng gusali.

Lubhang napinsala ang gusali dulot ng mapangwasak na pagpapalaya sa Maynila noong 1945. Isinaayos ang teatro ngunit unti-unting nalugmok noong dekada sisenta. Nagsagawa muli ng mabusising pagsasaayos noong 1978, ngunit pagkaraan ay unti-unti na namang nasira ang teatro. Sa kasalukuyan ay may mga balakin para sa rehabilitasyon ng gusali. (PKJ)

Cite this article as: Manila Metropolitan Theater. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/manila-metropolitan-theater/