Maníla Grand Operá House
Ang Maníla Grand Operá House (Haws) ang pangunahing tanghalan ng dula, bodabil, at opera noong panahon ng mga Americano at bago naitayô ang Sentrong Pangkultura ng Pilipinas. Dati itong nakatirik sa Santa Cruz, Maynila, sa kanto ng ngayon ay Abenida Rizal at Kalye Doroteo Jose.
Itinayô ang gusali noong kalagitnaan ng siglo 19 bilang ang H.T. Hashim’s National Cycle Track. Isa ito noong pabilog na gusali na yari sa kahoy at may bubungang nipa. Noong 1890, pinalitan ang pangalan nitó bilang Teatro Nacional. Ang Russian Circus at ilang grupo ng mga mandudula sa Estados Unidos ang ilan sa mga nagtanghal dito.
Noong 1902, sa bungad ng panahon ng pananakop ng mga Americano, pinalawak ang orihinal na gusali, ginawang isang tanghalan ng opera, at tinawag na Manila Grand Opera House. Itinaon ang renobasyon sa pagbisita ng isang opera company mula sa Italy. Ang gusali rin ang naging saksi sa pasinaya ng mga kasapi ng Unang Asamblea ng Filipinas (First Philippine Assembly) noong 1907; dito kinuha ang makasaysayang retrato ni Gobernador-Heneral William Howard Taft (pangulo ng America sa hinaharap) hábang siyá ay nagtatalumpati.
Naging bantog ang gusali bilang tanghalan ng mga dula, opera, at sarsuwela hanggang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Noong 1942, sa panahon ng pananakop ng mga Japanese binili ang gusali at ginawang tahanan ni Toribio Teodoro, may-ari ng kompanya ng sapatos na “Ang Tibay” at kilalá noon bilang “hari ng sapatos sa Filipinas.” Lubhang nasira ang gusali sa digmaan at kinailangang dumaan sa rehabilitasyon.
Noong dekada singkuwenta, nanatiling popular ang gusali bilang tanghalan, at nagkaroon pa ito ng dagdag-hatak, bilang isang sinehan. Naging kilalá ito bilang “Ang Teatrong may Kasaysayan.” Noong dekada sisenta, napasakamay ng dáting embahador Antonio Cabangon Chua ang gusali. Noong dekada sitenta, sa panahong lumilipat ang sentro ng kalakal mula Maynila tungong Makati, nagbanyuhay ang gusali bilang Chicks O’Clock, na tinagurian noon bilang isa sa pinakamalaki, kundi man pinakamalaki, na nightclub sa buong Maynila.
Dulot ng patuloy na pagkalugmok ng komersiyo sa Abenida Rizal, di-kalaunan ay nagsara ang klab at giniba ang gusali. Noong 2008, isang hotel ang itinayô sa dating kinatitirikan ng makasaysayang gusali, sa tabi ng ng Doroteo Jose Station ng LRT Yellow Line. (PKJ)