manî
Flora, plants, peanut, food, medicinal plants
Ang manî (Arachishypogaea) ay isang halamang-ugat na namumunga sa ilalim ng lupa. Karaniwang matatagpuan ang mani sa mga tropikal na bansa o mga lugar na may mainit na klima. Ang halamang ito ay tumataas ng 30 hanggang 80 sentimetro lamang. Gumagapang ang halamang ito ngunit hindi ito matatawag na baging.
Ang mga lungtiang dahon ng manî ay bilugan, tumutubò na magkakapares sa magkabilang gilid ng maliit na sanga at humahabà ng dalawa hangang limang sentimetro. Ang mga dilaw na bulaklak nitó ay maliliit at maninipis ang talulot. Ang buto o bunga ng mani ay nahihinog sa mga ugat nitó, sa ilalim ng lupa. Kapag aanihin ang ang mani, ang balat nitó ay naninilaw, magaspang, magulugod at korteng biluhaba na may sukat na isa hanggang limang sentimetro. Marahang pinipisil ang bunga ng mani sa git-na ng hati nitó para makuha ang laman. Ang mga bunga ay karaniwang naglalaman ng isa hanggang tatlong maki-kinis at hugis itlog na buto na maaaring kainin.
Pangunahing dahilan ng pagtanim ng mani ang mga bunga nitó at lana. Mayaman sa protina, bitamina B at E, magnesium, manganese, at phosphorus kung kakainin nang hilaw. Karaniwan itong pinakukuluan o kayâ naman ay ipiniprito. Maraming putahe din ang ginagamitan ng mani lalo na sa Asia, Africa at Timog America—mula sa mga pangmeryendang kakanin hanggang sa mga ulam at sabaw. Ginigiling din ang mani upang gawing palaman. Ang lana o mantika na nakukuha sa mani ay maaaring gamiting panluto o salad dressing, at gawing margarina o mayonnaise. Ito ay ginagamit na rin na sangkap sa pag-gawa ng sabon at mga pampaganda.
Bukod sa paggamit nitó sa pagluluto, ang lana o mantika na nakukuha sa mani ay may mga tradisyonal na gamit sa panggagamot. Sinasabing kung iinumin ang gatas na hinaluan ng isang kutsaritang lana, ito ay nakakatanggal ng gonorrhea. Sa China, bukod sa gonorrhea, nakakatanggal din ito ng rayuma. Sa Zimbabwe naman ay nakakaalis ito sa mga kulugo sa paa. Ginagawa ring pakain sa mga hayop ang halaman ng mani. (ACAL)