manggá

Flora, plants, fruits, food, cuisines

Ang manggá ay isang prutas na kabilang sa genus na Mangifera, na binubuo ng maraming bungang kahoy na tropiko sa pamilya Anacardiaceae. Katutubo ang mangga sa bansang India na pinag-mulan nitó at kumalat sa buong mundo. Ang Mangifera indica ay ang uri ng mangga na pinakamaraming itinatanim at inaalagaan sa buong tropikong lugar sa mundo. Ang mangga ang pambansang prutas ng Filipinas, India, at Pakistan.

Maraming varayti o lahi ng mangga, iba’t iba ang kulay ng bunga, at iba’t iba rin ang lasa kapag hinog na. Ang mga bunga ay maaaring mahinog sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan. Karaniwang mata-mis at may napakasarap na lasa ang bunga ng hinog na mangga. Lumalaki ang punò

ng mangga nang 35–40 metro (115–130 piye) ang taas. Nabubuhay ito nang matagal na panahon. May mga punò ng mangga na namumunga pa kahit na ito ay mahigit nang 300 taon.

Ginagamit rin ang mangga sa maraming menu o lutuin. Ang maasim at hilaw na mangga ay ginagamit sa preparasyon ng chutneys, athanu, pickles, o maaaring kainin nang may kaunting asin, sili, at soy sauce. Ang hinog na mangga ay kailangan rin sa preparasyon ng maraming uri ng curry. Sa ibang bansa, pinatutuyo at dinidikdik ang hilaw na mangga upang gumawa ng moramba at amchur. Hihihiwa nang maninipis ang mga pisngi ng hinog na mangga, tutuyuin, at pagkatapos ay ipapakete upang gawing export bilang pinatuyong mangga o dried mangoes.

Sa Filipinas, kinakain ang hilaw na mangga kasama ng bagoong, o isasawsaw sa patis o sa asin. Gamit rin ang mangga sa paggawa ng mga nektar, inuming katas, o bilang pampalasa sa sorbetes. Maraming sangkap na halagang nutrisyon ang mangga. Mayaman ito sa mga phytochemicals , bitamina A, C, E, K at B at mga mineral tulad ng potassium at copper. Taglay rin ng mangga ang maraming amino acid na kailangan ng ating katawan. Naglalaban sa palengke kung alin ang mas matamis sa mangga mulang Guimaras o mulang Pangasinan o mulang Zambales. (SSC)

 

Cite this article as: manggá. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/mangga/