mandarangkál

Fauna, insects

Ang mandarangkál (Mantodea) ay kilalá rin sa tawag na praying mantis sa Ingles o “nananalanging mandarangkal,” mandadangkal,­ sasamba o samba-samba dahil sa paraan ng pagtikwas ng harapang binti nitó hábang hawak ang nahúling pagkaing kapuwa insekto o kulisap. Mahabà ang katawan nitó, balingkinitan at kulay lungtian o kayumanggi, Sinasabing ito ay may habà na tatlong pulgada. May paa ito na panlakad at dalawa pang paa sa harapan. Matibay din ang mga pakpak ng mandarangkal­.

Ang mandarangkal ay isang uri ng kulisap na umaatake sa kalaban sa pa­mamagitan ng dalawang mahahabàng kamay sa unahan o sa pamamagitan ng dila. Kinakagat muna nitó ang leeg ng biktima para ito maparalisa.

Ang babaeng mandarangkal ay nangingitlog ng humigit-kumulang sa 300 itlog. Dahil sa daladalang mga itlog sa tiyan, hindi gaanong makalipad  ang  babaeng  mandarangkal. Gusto ng mandarangkal manirahan sa mga tropikal na lugar. Malaking tulong din ito sa mga tao dahil kinakain nitó ang nakakapin salang mga kulisap. Tinatayang mayroong 1,700 klase ng mandarangkal na matatagpuan sa Europa, Asia, at Estados Unidos. (ACAL)

 

Cite this article as: mandarangkál. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/mandarangkal/