Vicente S. Manansala

(22 Enero 1910–22 Agosto 1981)

Itinanghal na Pambansang Alagad ng Sining sa Pintura noong 1982 si Vicente S. Manansala (Vi·sén·te Es Ma·nan·sá·la). Bahagi siya ng tinaguriang “Thirteen Moderns.” Gaya ng iba pang modernista, pinili ni Manansala na ipakita ang sining gaano man kapangit ang tema o kaligirang kinapapalooban ng kaniyang mga paksa. Protesta ang mga obra niya sa klasikong Amorsolo.

Ang kaniyang unang solong eksibisiyon ay ginanap sa Manila Hotel noong 1951. Nakilala siya sa estilong kubismong naaaninag (transparent cubism)–ang kaniyang mga pigura sa kanilang pinakapayak na hugis heometriko ay nanatiling nakikita sa kanilang kabuuan. Binigyan ng bagong buhay ni Manansala ang kubismo sa pamamagitan ng paggamit sa mga karaniwang kaligirang Filipino at mga katutubong tema sa konteksto ng nagbabagong kalungsuran. Makikita ang ganito sa Jeepneys, Calesa, Planting of the First Cross, Sinigang, Pila sa Bigas, Barongbarong at A Cluster of Nipa Hut. Naging bantog din ang kaniyang obrang nagtatampok sa mga tindera sa Quiapo na nakasuot ng belo. Si Manansala rin ang may likha sa lampas-táong mural sa pader na matatagpuan sa bulwagan ng Philippine Heart Center.

Tumanggap siya ng karangalan sa kaniyang Barong-barong noong 1950 sa eksibisyong ginanap sa Manila Grand Opera House. Tumanggap din siya ng 1963 Republic Cultural Heritage Award at 1970 Patnubay ng Sining at Kalinangan Award mula sa Lungsod Maynila.

Isinilang siya noong 22 Enero 1910 sa Macabebe, Pampanga kina Perfecto Q. Manansala and Engracia Silva. Ikinasal siya kay Hermenegilda Diaz at biniyayaan ng isang supling. Sa murang gulang na 15 ay nag-aral siya sa ilalim ng pangangasiwa ng pintor na si Ramon Peralta sa paggawa ng mga signboard at billboard. Nagtapos siya sa Unibersidad ng Pilipinas, sa School of Fine Arts noong 1930. Nagpatuloy siya ng kaniyang pag-aaral sa Ecole de Beaux Arts sa Montreal, Canada at ilan pang pamantasan sa Estados Unidos at France. Naging ilustrador din siya para sa Philippines Herald at Liwayway at lay-out artist para sa Photonews at Saturday Evening News Magazine noong dekada 1930. Namatay siya noong 22 Agosto 1981. (RVR)

Cite this article as: Manansala, Vicente S.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/manansala-vicente-s/