Félix Manálo
(10 Mayo 1886–12 Abril 1963)
Si Félix Manálo, na kilalá ring Ka Felix, ang tagapagtatag ng Iglesia ni Cristo, bagama’t sa mga opisyal na talâ ng nasabing simbahan, siyá ay tinawag na Unang Tagapamahalang Pangkalahatan at Huling Sugo ng Diyos sa mga Huling Araw.
Isinilang si Manalo sa Taguig noong 10 Mayo1886. Ang kaniyang mga magulang ay sina Mariano Ysagun at Bonifacia Manalo, na isang debotong Katoliko. Nang yumao ang ina, bilang pagpapahalaga rito ay pinilì niyang maging Manalo ang kaniyang apelyido. Bagama’t lumaki sa aral ng Simbahang Katolika, naging mapagtanong ang isip ni Manalo kayâ lumahok siyá sa iba’t ibang sekta upang masagot ang kaniyang mga tanong. Naging tagasunod siyá ng Colorum, isang grupong nagdaraos ng paglalakbay sa isang banal na bundok. Pagkaraan, nilisan niya ang Simbahang Katolika at naging pastor sa Methodist Episcopalian Church. Tumigil siyá ng pag-aaral nang mamatay ang kaniyang ina at nang bumalik sa pag-aaral ay nagpatalâ sa Presbyterian Bible School. Nakakilála niya ang grupong Christian Mission at nag-aral sa Manila College of the Bible sa loob ng apat na taón. Sa grupong ito, natutuhan niyang pahalagahan ang pagbibinyag sa pamamagitan ng paglubog sa tubig. Naging tagapangaral siyá ng Salita ng Diyos kabilang sa isang grupong nakilalang Society for the Propagation of the Gospel. Pinakasalan niya nang mga panahong ito si Tomasa Sereneo na taga-Paco, Maynila.
Naging miyembro siyá ng Seventh Day Adventism at nang yumao ang kaniyang asawa, nagpakasal naman siyá kay Honorata de Guzman, na kabílang sa nasabing sekta. Ngunit sumapit ang panahon na kinukuwestiyon na niya ang pangingilin ng grupo kapag araw ng Sabado. Nang hindi makatanggap ng kasiya-siyang sagot, nagbitiw siyá bilang ministro noong 1913. Nagtatag siyá ng sariling grupo noong 1913, na kilalá ngayong Iglesia ni Cristo (nang una ay Kristo ang baybay). Ipinatalâ ang Iglesia noong 27 Hulyo 1914, ang araw ng pagsisimula ng Unang Digmaang Pandaigdig. Noong 1922, pinalutang ng Iglesia ang idea na si Manalo ang “huling sugo ng Diyos,” dahil para sa kanila, ang kanilang tagapagtatag ay maihahambing kay Moises o kay Pablo ang Apostol. Ang isa pang dahilan ay upang mapatatag ang pamumunò ni Manalo sapagkat may isang sektor na nagtangkang umagaw ng pamamahala ng simbahan. Yumao si Felix Manalo noong12 Abril 1963.
Mabilis na lumago ang mga aral ng Iglesia. Noong 1948, mayroon itong 60,000 miyembro, na naging 200,000 noong 1960. Nagkaroon ito ng mga simbahan hindi lámang sa Filipinas kundi sa 75 iba pang bansa sa buong mundo. Ngayon, mayroon na itong 1,250 lokal na kapilya at 35 katedral sa iba’t ibang panig ng bansa. Mayroon din itong 21 kongregasyon sa Estados Unidos. Noong 27 Hulyo 2007, sa ika-93 anibersaryo ng pagkatatag ng INC, isang panandang pangkasaysayan ang inilagak ng National Historical Institute (NHI) sa bahay na sinilangan ni Manalo sa Barangay Calzada, Tipas, Taguig. Idineklara rin ng dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang Hulyo27 bilang “Araw ng Iglesia ni Cristo.” (AEB)