Warning: Use of undefined constant setting - assumed 'setting' (this will throw an Error in a future version of PHP) in /home/hqe0tu85kswo/public_html/wp-content/plugins/cite/cite.php on line 105

mámeng

Fauna, fish, aquatic animals, endangered species, protected species

Maraming uri ng isdang mámeng at ang pinakakilalá ay ang Cheilinus undulatus. Ito ay kabilang sa pamilya Labridae. Matatagpuan ito sa Indo-Pasific mula Red Sea hanggang Timog Africa at mga isla ng Tuamoto, hilaga ng mga isla ng Ryukyu at timog ng New Caledonia.

Ang mámeng ay may siyam na tinik sa palikpik ng likod at tatlong tinik naman sa palipik ng puwit. Ang mga tigulang ay nagkakaroon ng makapal na labì at nakausling umbok sa may noo. Ang kulay ng katawan ng batàng mameng ay mapusyaw na berde at may pahabâng itim na mantsa sa kaliskis­ na naghuhugis rehas. May dalawang itim na linya sa dulo mula sa matá. Ang pinakamahabàng naitalâ ay may sukat na 229 sentimetro at ang pinakamabigat ay may timbang na 191 kilo. Maaaring umabot hang-gang 32 taóng gulang.

Nakatira ito sa mga tangrib at makikita sa tubig tropiko na may lalim na hanggang isang daang metro. Paboritong tirahan ang matatarik na libis ng tangrib. Karaniwang nag-iisa pero minsan ay magkakapares. Ang maliliit na mameng, tulad ng Acropora, ay makikita sa lugar na maraming klase ng tangrib at kung saan may mga lusay. Ang mga tigulang naman ay naglilibot sa paligid ng tangrib sa araw at nagpapahinga sa mga kuweba ng tangrib sa gabi. Kumakain ng molusko, isda, salungo, krustaseo, at isda. Ang mameng ay mahalaga sapagkat ito ay kumakain ng mga hayop sa dagat na nakakalason, tulad ng Acanthaster planci at Ostracion cubicus.

Mataas ang presyo ng mameng dahil sa lasa nitó. Ito ay ibinebenta nang Php 6,000 kada kilo sa mga restoran sa Hong Kong, Singapore, Taiwan, at Malaysia. Sa kasalukuyan, ang mameng ay nakatalâ sa CITES o Convention on International Trade in Endangered Species of Wild Fauna and Flora na nagbabawal ng pandaigdigang pangangalakal nitó. Sa Filipinas, ang mameng ay protektado ng batas tulad ng Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act. (MA)

 

Cite this article as: mámeng. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/mameng/