Mamamayán

Ang mamamayán ay kasapi ng politikal na pamayanan o komunidad. Bilang kasapi ng pamayanan, pinagkakalooban siyá ng Saligang Batas ng mga natatanging karapatan at pribilehiyo na hindi natatamasa ng isang dayuhan. Kabilang sa mga pribilehiyo ng mamamayán ang karapatang bumoto at mahalal, magmay-ari ng lupain sa Filipinas, at magtapos ng propesyon. Ang isang tao ay ituturing na kasapi ng pamayanang Filipino kung siyá ay mamamayán na nang pagtibayin ang Konstitusyong 1987. Itinuturing ding mamamayan ang indibidwal batay sa kapanganakan o sa pagpapairal ng batas pagkamamamayan ng Filipinas.

Kinikilála ng batas sa Filipinas ang dalawang prinsipyo ng pagkamamamayan. Sa prinsipyo ng jus sanguinis, ang pagkamamamayan ng magulang ay sinusunod ng anak. Ibig sabihin, kung parehong Filipino ang mga magulang, ang anak ay Filipino rin kahit isilang siyá sa ibang bansa. Ang prinsipyo naman ng jus soli ay nagtatakda ng pagkamamamayan batay sa lugar ng kapanganakan. Kung ang isang batà ay isinilang sa Estados Unidos, ituturing siyáng mamamayán ng nasabing bansa ayon sa prinsipyong jus soli. Subalit kung ang mga magulang niya ay parehong Filipino, mananatili pa rin siyáng mamamayán ng Filipinas ayon sa prinsipyo ng jus sanguinis.

May dalawang uri ng mamamayáng Filipino: ang katutubo at naturalisado. “Katutubong mamamayán” ang turing sa isang indibidwal kung ang mga magulang niya ay kapuwa Filipino. Ang mga isinilang bago ang 17 Enero1973; may inang Filipina; at pinilì ang pagkamamamayang Filipino ay itinuturing ng batas na katutubo. Ang isang dayuhan ay maaaring maging “naturalisadong mamamayán” ng Filipinas sa pamamagitan ng proseso ng naturalisasyon. (SMP)

Cite this article as: mamamayan. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/mamamayan/