Miguel Malvar
(27 Setyembre 1865–13 Oktubre 1911)
Si Miguel Carpio Malvar(Mi·gél Kár·pi·yó Mal·vár) ang karaniwang ipinalalagay na hulíng heneral na sumuko noong Digmaang Filipino-Americano. Siyá ang umakò sa responsabilidad ng pamumunò ng hukbong Filipino pagkatapos madakip si Emilio Aguinaldo.
Isinilang siyá noong 27 Setyembre1865 sa Santo Tomas, Batangas kina Tiburcia Carpio at Máximo Malvar, isang mariwasang magsasaka. Naging mahilig din si Malvar sa pagsasaka at unang nakilala bilang mahusay na komersiyante. Nang makaipon, bumili siyá ng lupain sa Bundok Makiling at sa Santo Tomas na pinatamnan ng dalandan. Sinasabing naging matagumpay ang kaniyang pagsasaka at ipinangalan pa sa kaniya ang uri ng dalandan na ikinalat niya.
Naging gobernadorsilyo siyá sa Santo Tomas at agad nakilaban nang sumiklab ang Rebolusyong Filipino. Noong31 Marso 1897 ay hinirang siyáng tinyente-heneral ni Heneral Emilio Aguinaldo. Pagkatapos, naging komandante heneral siyá para sa lalawigan ng Batangas. Siyá ang hulíng nagsuko ng armas pagkatapos ng Kasunduang Biyak- na-Bato. Sumunod siyá kay Aguinaldo sa Hong Kong pagkaraan ng isang taon. Nang bumalik siyá sa Filipinas noong 15 Hunyo 1898 ay may dala siyáng dalawang libong riple. Nagtayô muli siyá ng hukbo sa Batangas, Mindoro, at Tayabas (Quezon ngayon) at naging komandante heneral para sa Katimugang Luzon.
Pagsiklab ng Digmaang Filipino-Americano ay nahirang siyáng brigadyer heneral at nangasiwa sa mga pagtatanggol sa Katimugang Luzon. Magiting na ipinagtanggol ng kaniyang pangkat ang mga bayan ng Pagsanjan, Pila, at Santa Cruz sa Laguna. Nang manghinà ang buong hukbong Filipino, naglunsad ng kilusang gerilya si Malvar sa paligid ng Bundok Makiling. Nang madakip si Aguinaldo, ipinagpatuloy niya ang pakikipaglaban sa mga Americano hanggang noong 16 Abril 1902. Pagkaraang sumuko, namuhay siya nang tahimik at nagbalik sa pagsasaka at pagnenegosyo. Namatay siyá sa Maynila noong13 Oktbure 1911. May ilang historyador at kongresista ding nagpapanukalang hirangin si Malvar bilang ikalawa sa talaan ng mga Pangulo ng Filipinas, ngunit hindi ito kinikilala ng pamahalaan sa kasalukuyan. Ipinangalan sa kaniya ang isang bayan sa Batangas. (PKJ)