malunggáy

Flora, plants, medicinal plants, vegetable

Ang malunggáy (Moringa oleifera) ay ang pinakakaraniwang itinatanim at inaalagaang uri ng genus Moringa, na siya lámang genus sa pamilya Moringaceae. Makitid o payat ang punò ng malunggay, nakatungo ang mga sanga, at tumataas nang mga 10 metro. Sa karaniwang pag-aalaga nitó, pinuputol ang punò upang maging isang metro lá-mang ang taas at nang lumago muli ang mga sanga at dahon nitó, at upang madalîng maabot ng kamay ang mga ito. Ang mga muràng bunga na tinatawag na “drumstick” ay kinakain na parang berdeng bataw at may lasang hawig sa asparagus. Inaalis ang mga buto sa magulang na bunga at kinakain na parang kagyus o kadyos. Maaaring inihaw ang luto sa mga buto. Ang mga bulaklak ay iniluluto rin upang kainin at may lasang kabute. Niyayadyad naman ang mga ugat nitó upang gawing pampalasa sa pagkain.

Malaki ang halagang nutriyon ng malunggay. Masustansiya ang mga dahon ng Moringa, mayroon itong beta-carotene, bitamina C, protina, iron, at potassium. Iniluluto ang mga dahon at ginagamit na parang spinach. Karagdagan rito, tinutuyo ang ma dahon, pinupulbos, at ginagamit bilang pampalasa sa mga sabaw at sawsawan. Ang murungakai, na gáling sa malunggay, ay kilalá sa Tamil Nadu at Kerala bilang gamot sa iba’t ibang sakit. Ginagamit rin ito bilang aphrodisiac. Ang punò ng malunggay ay mayaman sa calcium at phosphorus.

Malaking tulong ang nagagawa ng mga dahon ng malunggay sa pagpaparami ng gatas ng ina sa panahon ng kaniyang pagpapasuso. Napatunayan sa mga pag-aaral na ang isang kutsarang pinulbos na tuyong dahon ng malunggay ay nagbibigay ng 14% protina, 40% calcium, 23% iron at maraming bitamina A na kailangan ng isang sanggol mula isa hanggang tatlong taóng gulang. Ang anim sa kutsara ay magbibigay ng lahat ng pangangailangan sa calcium ng isang babae sa panahon ng kaniyang pagbubuntis at pagpapasuso. Ang mga buto ng Moringa ay nagbibigay ng 38–40% langis (na tinatawag na ben oil dahil sa mataas na konsentrasyon ng behenic acid). Ang langis na ito ay malinaw, walang amoy, at hindi nasisira sa matagal na panahon. Pagkatapos makuha ang langis, ang sapal ay maaaring gamitin bilang abono. Sa ibang bansa, ang balát ng punò, dagta, ugat, dahon, buto, at bulaklak ay ginagamit sa tradisyonal na panggagamot. Sa Jamaica, ang dagta ng malunggay ay pinagkukunan ng asul na tina o pangkulay. (SSC)

 

Cite this article as: malunggáy. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/malunggay/