Andrés Málong

(sk 1660)

Si Andrés Málong ang namunò ng pag-aalsa sa Pangasinan laban sa mga Español noong 1660-1661.

Lumaki si Malong sa Binalatongan, Pangasinan at naging isang maestre de campo. Noong 15 Disyembre 1660 nanguna siyá sa isang pangkat na pumatay sa alguacil mayor ng Lingayen. Mabilis na dumami ang kaniyang pangkat at nang salakayin nilá ang nayon ng Bagnotan ay sinasabing mahigit apat na libo silá. Kumalat ang pag-aalsa sa buong lalawigan.

May dalawang buwan lámang tumagal ang pag-aalsa ngunit itinuturing na mahalaga ito dahil sa dami ng mga sumámang Filipino. Ipinahayag ni Malong ang sarili na Hari ng Pangasinan at ginawang konde ang kaniyang ayudanteng si Pedro Gumapos. Pagkatapos, nagpadalá siyá ng mga ulat sa Ilocos at Cagayan na naguutos sa lahat na kumilala sa kaniyang kapangyarihan at mag-alsa laban sa mga Español. Pati si Francisco Maniago ng Pampanga ay pinadalhan niya ng ganitong sulat at sinabihang sasalakayin kapag hindi umanib sa kaniya.

Binigyan niya ng anim na libong tauhan si Melchor de Vera at itinalaga sa Pampanga. Binigyan naman niya si Gumapos ng tatlong libong tauhan at inutusang kunin ang Ilocos at Cagayan. Sa kabila ng maraming sundalong itinalaga sa dalawang ayudante ay may natira pa sa kaniyang dalawang libong tauhan.

Nagpadalá ng sundalo ang pamahalaang Español sa ilalim nina Heneral Felipe de Ugalde at Heneral Francisco de Esteybar. Bago magtapos ang Enero 1661, sunud-sunod ang naging pagkatalo ng mga rebelde hanggang mapilitang magtago sa bundok si Malong at ilang tauhan. Noong 6 Pebrero 1661, nadakip si Malong sa kubong pinagtataguan kasáma ang inang si Beata Santo Domingo. Dinalá si Malong sa Lingayen at doon pinatay. (PKJ)

Cite this article as: Malong, Andres. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/malong-andres/