malmág
Tarsier, Fauna, mammals, protected species
Ang malmág o Philippine Tarsier (Tarsius syrichta o Carlito syrichta), ay isang uri ng unggoy na nanganganib nang mawala. Sa Filipinas lámang ito matatagpuan. Makikita ang malmág sa timog-silangang bahagi ng Filipinas, lalo na sa Bohol, Samar, Leyte, at sa Mindanao. Miyembro ito ng 45 milyon nang taóng pamilya Tarsiidae, na kinuha ang pangalan sa pahabâ nitóng tarsus (ankle bone) o buol. Napabalitang nakita rin ang malmag sa Sarangani, ngunit maaaring ibang subspecies iyon.
Maliit lámang ang malmag, may sukat itong 85–160 milimetro (3.35– 6.30 pulgada) ang taas, kayâ ito ang pinakamaliit na uri ng unggoy. Mahirap itong makita dahil sa kaliitan. Ang lalaking malmag ay tumitimbang lamang ng 80–160 gramo (2.8–5.6 libra). Mas maliit ang mga babaeng malmag. Ang isang matandang mal-mag ay kasinlaki lamang ng kamao ng isang tao. Kagaya ng ibang tarsier , nakapirmi ang mga matá ng malmag sa bungo, hindi ito naigagalaw. Sa halip, isang adaptas-yon sa leeg nitó ang nagpapahintulot na maigalaw nitó ang bilugang ulo nang 180 digri. Napakalalaki ng mga matá ng malmag, pinakamalaki ito sa proporsiyong matá-sa-katawan sa lahat ng mammalia. Napakalinaw tuloy ng paningin sa gabi. Nokturnal ang malmag. Ang malalaking tainga ng malmag ay mabilis na naikikilos kayâ napakatalas din ng pandinig.
Maraming programa nang ginawa ng pamahalaan upang mailigtas ang malmag sa pagkaubos. Ang mga unang hak-bang ay sinimulan noong 1988 sa isang pag-aaral upang tukuyin ang mga pangangailangan sa tirahan ng unggoy na ito. Ginawa ito sa Corella, Bohol ng Parks and Wildlife Bureau (PAWB) sa tulong ng Wildlife Conservation International. Sinundan ito ng Philippine Tarsier Project ng Kagawaran ng Kaligiran at Likas Yaman (DENR) sa Rehiyon 7. Noong 30 Hulyo 2001, nilagdaan Batas blg. 9147, na kilala rin sa tawag na Wildlife Resources Conservation and Protection Act. Ito ay para sa konserbasyon at proteksiyon ng mga yamang gubat kasama na ang mga tirahan ng malmag, at pag-uutos na isáma ito sa talaan ng mga pangunahing species sa Filipinas. (SSC)