malasugî

Fauna, fish, aquatic animals, fisheries

Ang isdang malasugî ay kabilang sa pamilya Istiophoridae. Matatagpuan ito sa tropiko at sub- tropikong bahagi ng mundo at minsan din ay sa malalamig na dagat. Maraming uri ng malasugi at ang pinakakaraniwang ay ang Makaira mazara. Ang katawan ay pahaba at hindi masyadong pik­pik. Ang itaas na panga ay matipuno ngunit hindi masyadong mahabà ang tuka. May 2 palikpik sa likod, ang taas ng una ay mas maliit kaysa lalim ng katawan, maliit ang unahan, mahabà sa gitna at nagiging mas maliit pahulihan. Ang palikpik sa pektoral ay nababaluktot at malambot. Ang katawan ay nababalutan ng maliliit at nakadikit na  kaliskis.  Ang  likod  ay madilim na asul at may 15 malabughaw na guhit sa tagiliran. Ang  kulay  ng  tiyan ay mapusyaw na pilak. Ang mahabàng tuka ay masyadong mataba at pabilog. May 2 napakatibay na kilya sa magkabilang bahagi ng buntot. Ang karaniwang habà ay 350 sentimetro at ang pinakamalaking naitalâ ay 500 sentimetro samantalang ang pinakamabigat naman ay 170 kilo.

Ang malasugî ay kabilang sa mga isdang naglalakbay ng malalayòng karagatan ayon sa Annex I ng 1982 Convention on the Law of the Sea. Kalimitang ito ay namamalagi sa mga tubig na mas mainit ng 24 antas na sentigrado.

Hindi karaniwang makikita malapit sa lupa o mga isla maliban na lang kung may malalim na bahagi. Ang malalaking malasugi ay lumalangoy nang mag-isa ngunit ang mga batà ay pinaniniwalaang nagsasáma-sáma sa paglangoy. Kumakain ito ng pusit, isda, at krustaseo. Ang laman ay dekalidad at mamamahalin. Sa Japan, ito ay ginagawang sashimi at longganisa o soriso. (MA)

 

 

 

Cite this article as: malasugî. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/malasugi/