makópa

 Flora, fruits, trees

Ang makópa (Syzygium malaccense) ay punongkahoy na tumataas nang 10 metro at may bun-gang hugis kampana, may balát na kulay rosas, at laman na kulay putî.

Ang punòng makopa ay may taas na aabot hanggang sampung metro. Ang mga muràng dahon nitó ay mamulá-mulá. Kalaunan ay nagiging berde at lumalaylay ang malalaki, malalapad at biluhaba o patulis na mga dahong ito na may habàng 15 hanggang 30 sentimetro at lapad na 7 hanggang 15 sentimetro. Ang mga bulaklak nitó ay kapansin-pansin dahil sa ito ay malalaki, kulay puláng tulad ng sa dugo o kamatis, may diyametrong lima hanggang anim na sentimetro at nakakabit sa mga tangkay sa ilalim ng mga dahon nitó. Ang mga prutas naman ay makintab, biluhaba, o hugis-peras at may habàng 5– 7.5 sentimetro. Iba-iba ang kulay ng prutas nitó. Maaaring maputî na may malarosas na bahagi o nababálot ng kulay pulá sa kabuoan. Ang mga mas mapuputla at mas matitingkad ay karaniwang may matatamis na lasa.

Hindi tiyak kung saan nagmula ang makopa ngunit maraming punò ang makikita sa rehiyong Indo-Malaya. Itinatanim na rin ito sa iba pang tropikal na rehiyon dahil sa prutas na nakakain mula rito. Bukod sa prutas nitó, maraming pakinabang ang makukuha mula sa makopa. Sa bansang Puerto Rico, nakagagawa ng alak mula rito. Sa Indonesia, ginagawa namang­ salad ang mga bulaklak nitó at kinakain nang lutô o hilaw ang mga talbos nitó.

Dahil sa taglay nitóng monoterpenes, sesquiterpenes, at caryophyllene, ang mga dahon nitó ay inihahanda para maging lunas sa mga nahihirapang umihi, magkabuwanang-dalaw, at may mataas na lagnat. Matibay din ang kahoy na makukuha mula rito. Ang katangiang medisinal nitó ay hindi gaanong kinikilala sa Filipinas. Bagaman sa mga bansang tulad ng Brazil, Moluccas, Hawaii, Cambo-dia, Borneo, at iba pang bansang Malay, ang mga pinaku-luang ugat, balakbak, dahon, prutas, dahon, at buto ay mainam para sa mga sakit sa bunganga, iti, kati, lagnat, pampaihi, ubo, sakit ng ulo, at pagtatae. Kilalá ang ma-kopa sa Filipinas sa iba’t ibang katawagan, tulad ng gubal, makopang-kalabau, mangkopa, tamo, tual, at yambo. Tinatawag ding Malay apple, Tersana rose apple, at Mountain apple sa Ingles. (KLL)

 

 

Cite this article as: makópa. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/makopa/