makapunô

Flora, coconut,  food, cuisine, dessert

Ang makapunô (cocos nucifera) ay uri ng punòng niyog na nagtataglay ng malambot na laman ang bunga; kamukha ang bunga nitó ng karaniwang niyog bagaman mas malaki ito sa hulí, walang sabaw, at mas makapal ang laman. Bunga ng saliksik ng Philippine Coconut Authority, nagawang makapagpatubò ng 80 bahagdan ng makapunô sa taniman ng niyog. May malawak na taniman ng makapunô sa Albay na kinaroroonan ng sentro ng pananaliksik ukol dito. May paraanang mga magniniyog ng pagkatok sa bunga upang malaman kung makapunô o niyog ang laman nitó. Nagtataglay ito ng mataas na antas ng galactomannan.

Noong dekada 60, pinangunahan naman ni Dr. Emerita de Guzman ng Unibersidad ng Pilipinas sa Los Baños ang pagpapalagô ng mga puòong mamumunga ng 100 bahag-dan ng makapunô sa pamamagitan ng embryo culture.

Madalas na ginagawang minatamis ang makapunô at inahahain pagkatapos kumain. Madalas ding ginagamit itong lahok sa paggawa ng sorbetes, jam, kendi, haluhalo, at fruit salad. Para sa iba, maaaring makagawa ng makapunô sa pamamagitan ng muràng niyog sa pamamagitan ng paghahalò­ sa laman nitó ng asukal at kaunting tubig. Pinakukuluan ito hanggang sa lumapot, at kapag tama na ang lasa, sakâ ito inilalagay sa bote.

May mga naiulat na katulad ng makapunô mula sa India bilang Thairu Thengai, mula sa Sri Lanka bilang Dakiri, sa Thailand bilang Maphrao Kathi, sa Indonesia bilang Korpyor, at sa Vietnam bilang Dua Dac Ruot. (ECS)

 

Cite this article as: makapunô. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/makapuno/