makahiyâ
Flora, plants, flowers
Ang makahiyâ (Mimosa pudica) ay isang uri ng gumagapang na yerba, may maliliit at payat na tangkay, mat-inik, may mga dahong binubuo ng dalawahang pares ng ng usbong na kahawig ng maliit na palaspas, at may bulaklak na kulay pink at nakapumpong tila bulak na mga talulot. Katutubo ang makahiyâ sa Timog at Gitnang America ngunit isa na ngayong malaganap na damo sa mga pook na tropiko.
Popular ang damo dahil sa tumitiklop nitóng dahon. Iyon mismo ang ibig sabihin ng pangalan nitó sa Filipino at maging sa pangalan nitóng Latin. Ang pudica ay nangangahulugang “mahiyain.” Ito rin ang kahulugan ng mga pangalan nitó sa Bahasa, Benggali, at iba pang wika. Tinatawag itong seismonastic o reaksiyon sa paghipo, paghi-hip ng hangin, pagyanig, at pagbabago ng temperatura. Ngunit kahawig din ito ng ibang halaman na nyclinastic o tumitiklop ang dahon kapag dumilim at muling bumubukás kapag lumiwanag.
Ang totoo, isang peste ang makahiyâ sa bukirin. Mabilis itong tumubò at dumami at ginigitgit ang pananim. Kapag tuyo, tila dawag ito at madalîng pagsimulan ng súnog. Gayunman, ang mga ugat nitó ay tinatahanan ng mga bakterya na bumabago sa nitrohino tungo sa anyong kailangan ng halaman. (VSA)