Francisco Makabulos
(17 Setyembre 1871–30 Abril 1922)
Si Francisco Makabulos (Fran·sís·ko Ma·ka·bú·los) ay isang heneral ng rebolusyonaryong hukbo sa Tarlac noong Himagsikang 1896, at tagapagtatag ng isang pansamantalang pamahalaan sa Gitnang Luzon sa panahong ito.
Isinilang siyá noong 17 Setyembre 1871 sa La Paz, Tarlac kina Alejandro Makabulos ng Lubao, Pampanga at Gregoria Soliman. Naging tinyente mayor at kabesa de barangay siyá sa kaniyang bayan. Pagkatapos maging kasapi ng Katipunan noong 1896 sa pamamagitan ni Ladislao Diwa, inorganisa niya ang unang pangkat ng mga Katipunero sa kaniyang bayan. Isa rin siyá sa mga pumirma sa Konstitusyong Biyak-na-Bato at “Francisco Soliman” ang kaniyang inilagda.
Pagkaraan ng Kasunduang Biyakna- Bato, hindi siyá sumáma kay Hen. Emilio Aguinaldo sa Hong Kong. Nilansag niya ang kaniyang pangkat noong 14 Enero1898 ngunit pagkaraan lámang ng tatlong buwan ay muling kumilos para ipagpatuloy ang pakikidigma sa mga Español. Sinabi niyang “laban sa kagustuhan ng sambayanan” ang Kasunduang Biyak- na-Bato. Ang itinayô niyang pamahalaang rebolusyonaryo ay may tinatawag na “Konstitusyong Makabulos” ang saligang-batas na ginawa noong 17 Abril 1898 ng isang pagtitipon ng mga rebolusyonaryong mamamayan sa Tarlac. Dahil pinamunuan ni Francisco Makabulos ang pagtitipon at pagsulat ng saligang-batas, karaniwan itong ipinapangalan sa kaniya.
Noong Setyembre 1898, pagkaraang bumalik ni Aguinaldo, isa si Makabulos sa nahirang na 12 brigadyer heneral ng rebolusyonaryong pamahalaan. Sa panahon ng Digmaang Filipino-Americano, nakipaglaban siyá sa Pampanga at Tarlac. Isa siyá sa mga kapanalig ni Hen. Antonio Luna at sinasabing malamang na kasámang napatay sa Cabanatuan, Nueva Ecija kung natanggap agad niya ang sulat ni Luna para magkita silá roon. Sumuko si Makabulos sa mga Americano noong 15 Hunyo1900. Kasáma siyá sa pagtatatag ng Partido Federal ngunit pagkaraan ay lumipat sa Partido Democrata. Nahalal siyang konsehal, bise presidente, at pagkaraan ay presidente sa kaniyang bayan. Pumanaw siyá noong30 Abril 1922. (PKJ)